Nation

11 ELEMENTARY SCHOOLS SA BENGUET IPINAGAGAWANG INTEGRATED SCHOOLS

/ 14 May 2021

ISINUSULONG ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap ang 11 panukala para sa conversion ng mga elementary school bilang intergrated schools sa lalawigan ng Benguet.

Sa kanyang House Bills 6980, 6981, 6982, 6983, 6984, 6985, 6986, 6987, 6988, 6889 at 6890, iginiit ni Yap na kung iko-convert bilang integrated schools ang mga elementary schools ay tiyak na matatapos ng mga kabataan ang kanilang basic education.

Kasama sa ipinako-convert ng kongresista ang Pontino Elementary School sa Barangay Ambassador sa munisipalidad ng Tublay; Kiwas Elementary School sa Barangay Tadiangan, Tuba; Tacadang Elementary School sa Barangay Tacadang, Kibungan; Lengaoan Elementary School sa Barangay Lengaoan, Buguias; Palidan Elementary School sa Barangay Dalipey, Bakun; at Cagui-ing Elementary School sa Barangay Caliking, Atok.

Kabilang din sa panukala ang tatlong elementary schools sa munisipalidad ng Itogon — ang Virac Elementary School sa Barangay Virac; Tocmo Elementary School sa Barangay Loacan; at Gumatdang Elementary School sa Barangay Gumatdang.

Nais din ng kongresista na i-convert ang dalawang elementary schools bilang intergrated school sa munisipalidad ng Kabayan — ang Kabayan Community School sa Barangay Poblacion at Ballay Elementary School sa Barangay Ballay.

Ipinaliwanag ni Yap na dahil sa kakulangan ng imprastraktura sa lalawaigan ay maraming kabataan ang hindi nakapagpapatuloy ng kanilang pormal na edukasyon, partikular ang mga naninirahan sa malalayong barangay na walang access sa educational institution.

“Supporting the conversion of elementary school into integrated school shall open an opportunity for children to access basic education,” pagbibigay-diin pa ng kongresista sa kanyang explanatory note.