1,000 PANG SMART LED TVs INILAAN NG MANDALUYONG LGU SA PUBLIC SCHOOLS
NAGLAAN ng karagdagang 1,000 smart LED televisions ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong sa Schools Division Office bilang pagtalima sa Matatag Agenda ng Department of Education.
Kasama ni Mayor Ben Abalos sina Vice Mayor Menchie Abalos at ang Sangguniang Panlungsod sa idinaos na symbolic turnover ng 1,000 smart LED TV sa SDO noong March 18. Sa kabuuan ay may 1,578 smart LED TVs ang naipamahagi ng pamahalaang lungsod.
Bawat silid aralan sa mga pampublikong paaralan sa Mandaluyong ay mayroon nang magagamit na smart LED TV.
Sumasagisag ito na kaisa ang Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong sa layunin ng DepEd na mas paigtingin ang sistema ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan.
Ayon sa SDO, ang paggamit ng mga smart LED TV ay makatutulong sa iba’t ibang aspeto ng pag-aaral ng mga estudyante pati na rin sa makabago at mas epektibong pagtuturo ng mga guro.
Sinabi ni Mayor Abalos na nais niyang mapanatili ang pagiging number 1 ng SDO Mandaluyong sa buong bansa kaya patuloy ang pamahalaang lungsod sa paglaan ng mga makabagong kagamitan sa pagtuturo.
“I will not be where I am now kung hindi dahil sa edukasyon,” sabi ni Abalos. Kaya ibinabalik ko ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila (SDO) ng lahat ng paraan upang ang lahat ng ating mga bata ay magkaroon ng madaling paraan para matuto at makatapos nang maayos.”