100 FRESH GRADS NA PASAYENO HAHANAPAN NG TRABAHO NG NGO
TINIYAK ng isang non-government organization sa Pasay City na agad makapagtatrabaho ang piling 100 bagong graduate na taga-lungsod.
Ayon sa NGO na Sulong Pasay, tutulong sila sa pamahalaang lokal upang tumaas ang employment rate sa lungsod.
Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na inabisuhan siya ng namumunong convenor ng ‘Sulong Pasay’ na si Sergio Ortiz-Luis, Jr. na handang tumulong ang PhilExport, Philippine Chamber of Commerce and Industry at ang Employer’s Confederation of the Philippines na sumailalim ang mga bagong graduate sa on-the-job training sa mga kompanya at iba’t ibang industriya kung saan sa bandang huli ay matatanggap na ang mga ito sa trabaho.
Ayon kay Calixto-Rubiano, ang Public Employment and Services Office sa lungsod ay nakikipag-ugnayan sa ‘Sulong Pasay’ para sa kanilang employment program.
Dagdag pa ng mayora na bukod sa mga bagong graduate, ang ‘Sulong Pasay’ ay tumutulong din sa mga residente ng lungsod na matinding naapektuhan ng pandemya na dulot ng Covid19.
Ang naturang organisasyon ay nakakompromiso sa pagbibigay ng mas marami pang oportunidad sa trabaho para sa mga residente na malaki rin ang naitutulong para mapababa ang unemployment rate sa lungsod, ayon pa kay Calixto-Rubiano.