10 PANG GURO NABIKTIMA NG PHISHING SCAM
MAY 10 bagong kaso ng phishing scam sa hanay ng mga guro ang ibinunyag ng Teachers’ Dignity Coalition.
MAY 10 bagong kaso ng phishing scam sa hanay ng mga guro ang ibinunyag ng Teachers’ Dignity Coalition.
Ayon kay TDC Chairperson Benjo Basas, magsusumite ulit sila ng report sa National Bureau of Investigation hinggil sa mga bagong nabiktima ng scam.
“So far po 41 na ang nai-submit namin na pangalan po sa NBI at sa Department of Education,” sabi ni Basas.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng Department of Education sa Landbank kaugnay sa nasabing insidente, ayon kay Basas.
Matatandaang iniulat ng TDC na nakatanggap ito ng reklamo mula sa mga guro na nawalan umano ng pera sa kanilang mga Landbank account dahil sa hindi awtorisadong transaksiyon.
Karamihan umano ng mga nabiktimang guro ay mula sa National Capital Region, Central Luzon, Calabarzon, Bicol region, at Western Visayas.
Nawalan umano ang mga guro ng mula P26,000 hanggang P121,000.
Sinabi ni Basas na hanggang ngayon ay hindi pa rin naibabalik sa mga guro ang nawalang pera sa kanilang bank accounts, na ayon sa Landbank ay dahil sa phishing scam.