Nation

10 NOMINADO SA ‘SALITA NG TAON’

/ 17 December 2020

MULI na namang pipili ng ‘Salita ng Taon’ ang Filipinas Institute of Translation ngayong 2020 upang patuloy na mapagyaman ang Wikang Filipino.

Subalit ang Edisyong 2020 ay kaiba sa mga nakaraang taon kung saan tiniyak ng FIT na ang ngayo’y makasaysayan sapagkat ang sinuring mga salita ay yaong bahagi ng bokabolaryong pandemya.

Sampung salita ang nominado para itanghal bilang pinakagamit na salita na palagiang laman ng mga balita, usap-usapan, at diskursong panlipunan, pangkalusugan, pang-agham, pang- edukasyon, at pang-ekonomiya sa panahon ng pandemya.

Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

  1. 2020 – taon na nangsalanta ang Covid19 sa buong mundo; taon ng Dagang Metal ayon sa mga Tsino; sinabi ng mga manghuhula na matatag, masagana, at mapalad na taon ito.
  2. Ayuda – tulong, saklolo, o abuloy.
  3. Blended learning – ang iba’t ibang modality ng pagkatuto na gagamitin sa mga pampublikong paaralan; malaking bahagi ang online na klase at nakalimbag na mga module.
  4. Contact tracing – pagtukoy at pagsubaybay sa kondisyon ng mga taong posibleng nakasalamuha ng taong may nakahahawang sakit tulad ng Covid19.
  5. Pandemya – paglaganap ng sakit; pandemiko; laganap, talamak, kalat na sakit; panlahatan; pambalana; unibersal; hawa-hawa, may epidemya.
  6. Quarantine – pagbabawal sa mga taong umalis sa isang lugar sa isang tiyak na panahon upang maobserbahan ang posibilidad na nahawahan sila dahil sa kanilang pagkakalantad sa nakahahawang sakit; isang paraan ito ng pagpigil sa pagkalat ng sakit.
  7. Social distancing – sa pampublikong kalusugan, tawag sa mga kilos at gawi na makatutulong sa pagpapabagal, kung hindi man pagpigil, sa pagkalat ng nakahahawang sakit tulad ng Covid19.
  8. Testing – kontroladong analisis upang makita o maunawaan ang kalusugan o kalagayan ng isang indibidwal upang makapagbigay ng angkop na obserbasyon, diyagnosis, at remedy.
  9. Virus – nakahahawang agent, binubuo ng nucleic acid molecule at nababalot ng protina; nakasasamang impluwensiya sa moralidad at isipan; programa sa computer na kumakalat sa iba pang computer at kadalasang nakapagdudulot ng pinsala sa file o datos.
  10. Webinar – pagtitipon o pangyayaring isinasagawa nang birtuwal at ekslusibong nilalahukan ng isang online audience.

Ang bawat salita’y isinumite ng mga guro at mananaliksik na ‘tagapagtanggol’ mula sa iba’t ibang unibersidad sa Filipinas. Ihaharap nila ang kanilang pananaliksik mula Disyembre 14 hanggang 18, kasama ang mga dahilan kung bakit ang ganang mungkahi ang dapat na itanghal bilang salita ng taon.

Sa Disyembre 19 gaganapin ang kulminasyon ng patimpalak kung saan iaanunsiyo ang mapipiling ‘Salita ng Taon’.

Ayon kay Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio Almario, mahalaga’t espesyal ang Salita ng Taon 2020 sapagkat ipinakikita nito ang kompleksidad ng wika at na ang Filipino’y buhay at patuloy na yumayabong.

“Espesyal ang Sawikaan 2020 dahil sa ipinaliliming isang pandaigdigang karanasang pang- agham. Sa unang pagkakataón, waring natuon ang málay ng lahat sa kompleksidad na dulot ng COVID-19, at yumaman ang ating isip at wika sa karunungang medikal. Napakarami mang ayaw magsuot ng face mask at napakarami ang tumututol sa sapilitang kuwarentena, kahit paano’y may napúlot táyong kaalámang siyentipiko. Natitiyak kong ang 10 salitâng nominado para sa 2020 Salitâ ng Taón ay magiging malusog na sangkap para sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino,” sabi ni Almario sa Filipino Ngayon.

Mapapanood ang paghaharap ng mga salita sa opisyal na Facebook page ng Sawikaan.