10% NG FILIPINO CHILDREN MAY PROBLEMA SA PANINGIN
ISINUSULONG ni Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund Villafuerte ang pagbalangkas ng programa para sa komprehensibong eye examinations para sa mga bata.
Ito ay makaraang lumitaw sa datos ng Philippine Eye Research Institute na hanggang noong 2017, isa sa bawat 20 preschoolers at isa sa bawat apat na school-aged children ang may eye problem.
“Over 10 percent of Filipino children were also expected to have visual acuity issues or problems with their vision,” pahayag ni Villafuerte sa kanyang explanatory note.
Kumbinsido rin ang kongresista na sa panahon ng distance learning dahil sa Covid19 pandemic ay tataas pa ang bilang na ito.
Sa kanyang House Bill 9464 o ang proposed Children’s Vision Improvement and Learning Readiness Act, minamandato ang pagsasagawa ng comprehensive eye examinations sa mga bata.
Alinsunod sa panukala, magkakaloob ang Department of Health ng grants sa mga munisipalidad at lungsod para sa comprehensive eye examinations sa mga
itinuturing na ‘high risk of vision impairment’ at bibigyang prayoridad ang school-based programs para sa mga may edad siyam pababa.
Kung kinakailangan, sasaklawin din ng grants ang treatment o services na kinakailangan para masolusyonan ang vision problem ng mga bata.