Nation

10 BAGONG AKLAT INILUNSAD NG KWF

/ 30 April 2022

 

INILUNSAD ng Komisyon sa Wikang Filipino ang 10 bagong aklat bilang ambag nito sa mambabasang publiko.

Sinabi ni KWF Commissioner Arthur Cassanova na karamihan sa mga aklat ay mga panitikan na nabibilang sa iba’t ibang genre. Aniya, may inilunsad na aklat hinggil sa sanaysay, maikling kwento, dagli, dula at tula.

“Ang mga aklat ay tunay ngang kapuri-puri dahil ang mga manunulat po ay mga bantog at mga premyado. Ang mga aklat po na ilulunsad ngayong umaga ay nabibilang sa mga kategoryang wika, panitikan at kultura,” dagdag pa niya.

 

Ang mga aklat na inilunsad ng KWF nitong Biyernes ay ang mga sumusunod:

 

–       Cubao Ilalim ni Tony Reyes

–      Gracia Lopez Jaena: Discursos Y Articulos Varios- Salin ng mga piling talumpati at iba’t ibang artikulo ni Francis Juen

–       Jonas: Nobela sa Wikang Sebwano ni Hannah Leceña

–       Kalatas: Mga kwenting bayan at kwentong buhay ni Rommel Rodriguez

–       May Hadlang ang Umaga ni Don Pagusara

–       Sinsil Boys ni German Villanueva Gervacio

–       Teatro Politikal Dos ni MaLou Jacob

–       Walang Wakas ang Aking Pag-ibig ni Raul Funilas

–       Stereologues ni Christian Vallez/Juan Ekis

–       Mas Masaya sa Entablado ni Hope Sabanpan-Yu

 

Sinabi naman ni Dr. Benjamin Mendillo, Komisyoner sa Pangasiwaan ng Pananalapi at Nanunungkulang Director Heneral, na ang libro ay nagpapataas ng bokabularyo ng isang indibidwal.

“Mas marami kang nabasang aklat ay mas mabilis na dumarami ang iyong alam na salita. Ang pagbabasa ng regular ay nakapag-iistimula ng imahinasyon at nakapagpapataas ng kritikal na kaisipan dahil diyan nagiging maalam at matalino tayo sa bawat sitwasyon,” ayon kay Mendillo.

“Sabi rin sa pananaliksik na ang mga akdang pampanitikan ay nakapagbibigay ng mas matagal na attention span at nakapagde-develop ng focus ng mataas na antas sa isang gawain,” dagdag pa niya.