1.6M ESTUDYANTE NAKINABANG SA FREE HIGHER EDUCATION PROGRAM
UMAABOT sa 1.6 milyong estudyante sa iba’t ibang state at local universities and colleges ang nakinabang sa Free Higher Education program ng gobyerno.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Christopher ‘Bong’ Go kasabay ng pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte sa mga programang makatutulong sa mga Pilipino sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap.
Ang Free Higher Education program ay ipinatupad sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017.
Sinabi ni Go na batay sa datos, hanggang noong Mayo 2021, mayroon pang 500,000 estudyante ang naisponsoran ng gobyerno sa enrolment sa ilalim naman ng Tertiary Education Subsidy.
Sa ilalim ng Republic Act 10931, tinitiyak ang full subsidy sa mga estudyante sa state at local universities and colleges.
Saklaw nito hindi lamang ang matrikula kundi maging ang miscellaneous fees o iba pang bayarin sa pag-aaral.
“Kailangang ituloy ang pagbabago na sinimulan ni Pangulong Duterte para sa kinabukasan ng ating bayan at sa susunod na henerasyon. Isa lang ang pakiusap ko sa mga susunod na administrasyon, sana ipagpatuloy ninyo ang mga programa ng administrasyong ito na walang ibang hangarin kundi magbigay ng serbisyong mabilis, maayos, at maaasahan para sa bawat Pilipino,” dagdag pa ni Go.