KabataanSaHalalan

VICO SOTTO NAGHAIN NA NG COC PARA SA REELECTION SA PASIG CITY

NAGHAIN na ng kanyang kandidatura si incumbent Pasig City Mayor Vico Sotto sa unang araw ng filing ng certificate of candidacy.

/ 2 October 2021

NAGHAIN na ng kanyang kandidatura si incumbent Pasig City Mayor Vico Sotto sa unang araw ng filing ng certificate of candidacy.

Kasama ang kanyang mga magulang na sina showbiz icons Vic Sotto at Coney Reyes, nag-file ng kanyang COC ang batang alkalde para sa kanyang pangalawang termino bilang mayor ng Pasig.

“Nag-file na po ako kaagad ng COC  para tapos na, ‘di naman kailangan ng drama at suspense,” sabi ni Sotto sa kanyang Facebook post.

“Basta, panahon man ng politika o hindi, uunahin natin ang trabaho,” dagdag ni Sotto.

Sakaling mahalal ulit, ipinangako ni Sotto na lalo pa niyang paiigtingin ang mga repormang kanyang nasimulan sa kanyang unang termino.

“Simula 2019, ang laki na ng pagbabagong naipakilala natin sa Pasig. Sa pagbubukas pa lang ng procurement/bidding, nasa 1 bilyon piso kada taon ang ibinaba ng mga presyo ng mga binibili at pinapagawa ng LGU,” sabi ni Sotto.

“Ngunit nahirapan tayo at maraming proyekto na naantala dahil sa pandemya. Nine months lang ako naging mayor sa normal na sitwasyon. Kaya sa susunod na term, magtulungan tayo para bawiin ang oras na ninakaw sa atin ng Covid19,” dagdag pa ng alkalde.

“Nandiyan na ‘yung mga reporma. Iba na ngayon. Paiigtingin na lang natin at sisiguraduhin na damang-dama ng bawat Pasigueño ang mas pinabubuting serbisyo ng pamahalaang lungsod,” ani Sotto.

Hiniling din ng alklade sa kanyang mga constituent na bigyan siya ng mga kasanggang hindi lang idealistic kundi mapagkakatiwalaan din.

“’Yung hindi puwesto o pera ang habol, kundi ‘yung magiging katuwang ko para paigtingin pa ang mga reporma’t serbisyo ng pamahalaan.”

Naghain din ng kanyang kandidatura sa pagka-vice mayor si dating Congressman Robert ‘Dodot’ Jaworski Jr., kung saan makaka-tandem niya si Sotto.

Sakaling mahalal bilang pangalawang punong-lungsod, sinabi ni Jaworski na kanyang ibababa sa grassroot ang konseho kung saan magsasagawa siya ng mga konsultasyon sa mga ito para direktang malaman ang kanilang mga problema.