KabataanSaHalalan

TRILLANES TUTOL SA DEATH PENALTY, ABORTION

HINDI pabor si senatorial aspirant Antonio Trillanes IV sa abortion at death penalty.

/ 31 January 2022

HINDI pabor si senatorial aspirant Antonio Trillanes IV sa abortion at death penalty.

“Hindi po, hindi rin tayo naniniwala diyan sa abortion. ‘Yung mga lobbyist ng abortion, dinadala nila sa mga extreme argument, extreme situation. Like kunyari, nakasalalay ‘yung buhay nung nanay, kailangang ma-abort ‘yung bata. Meron na pong medical protocol, established na po iyan,” ayon kay Trillanes.

Gayunman, sinabi niya na ang abortion ay maaaring limitahan sa mga kaso ng panggagahasa, ngunit sa pangkalahatan, siya ay tutol sa hakbang.

“Now, ‘yung sinasabi nila na rape argument – kung na-rape daw ba, puwede i-abort? Kung ganyang extreme situations, ako, ibabalik natin sa taumbayan, then let the advocates argue. Pero ‘yun lang, even mag-decide ang taumbayan na puwede iyan, sige, okay iyan pero hindi puwedeng palalawakin iyan,” ani Trillanes.

“Kasi alam mo dito sa Pilipinas, magbigay ka ng loophole na ganyan, suddenly papasukan na ng lahat. Kumbaga, those are very extreme situations and kailangang ibalik sa taumbayan ‘yung pagdedesisyon niyan. But personally, hindi tayo, in general,” paliwanag pa niya.

Tinutulan din ni Trillanes ang death penalty dahil ang buhay ng isang tao ay hindi para, aniya, husgahan ng tao.

“Hindi po tayo naniniwala sa death penalty. I believe hindi dapat nasa kamay ng tao ang pagdedesisyon ng buhay, ang paghuhusga na ang kapalit po ay buhay. Ayan po ano, without even mentioning ang kakulangan ng ating justice system. Dito, ang laki po ng probability na husgahan ka, kahit ikaw ay inosenteng tao. Lalo na kung mahirap ka ano. Napakalabo ng tiyansa mo,” sabi pa ng dating senador.

“Kung gusto talaga nating retribution or maalis sa kapakahamakan iyong tao, dun sa isang criminal, mayroon naman pong life imprisonment. If may tiyansa pa po na i-rehabilitate ‘yung rehabilitation process ng penal system natin, iyon dapat,” dagdag pa niya.