KabataanSaHalalan

SAME-SEX MARRIAGE, DIVORCE SUPORTADO NI DE GUZMAN

PABOR si labor leader at presidential aspirant Leody de Guzman sa same-sex at divorce.

/ 25 October 2021

PABOR si labor leader at presidential aspirant Leody de Guzman sa same-sex at divorce.

Ayon kay De Guzman, maaaring mag-divorce ang mag-asawa kung hindi na pabor ang sitwasyon sa kanilang dalawa.

“Gaya ng kahit anong kontrata, may karapatan ang bawat tao na nasa hustong edad na pumasok dito,” ani De Guzman.

“At tulad ng ibang kontrata, malaya rin sila dapat makaalis kung hindi na ito pabor sa kanila,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag naman niya na sinusuportahan niya ang same-sex marriage dahil karapatan ng bawat tao na maikasal.

“Kung naniniwala tayo sa pagkakapantay-pantay ng tao, sa tingin ko tama lang na malegalisa ang same sex marriage at divorce para matamasa ng lahat ang mga benepisyo’t karapatan na kaugnay sa pagpapakasal.”

Naniniwala rin ang labor leader na dapat maging legal ang abortion.

“Sa tingin ko ay mabuti ito para makamit ng kababaihan ang tunay na kalayaan na magdikta para sa kanilang mga katawan at buhay,” ayon kay De Guzman.

“Marami pang ibang sitwasyon ang kababaihan kung saan sila ay maaaring mangailangan ng abortion at sa tingin ko nararapat na madala nila ito sa kanilang mga doktor na walang takot na makulong o mapahamak.”