KabataanSaHalalan

PANTAY NA POLITICAL ENDORSEMENT ISINUSULONG NI KA LEODY

NAIS ni labor leader at presidential aspirant Leody de Guzman na magkaroon ng pantay na political endorsement ang mga kandidato.

/ 1 November 2021

NAIS ni labor leader at presidential aspirant Leody de Guzman na magkaroon ng pantay na political endorsement ang mga kandidato.

Ayon kay De Guzman, isusulong niya na baguhin ang nakasanayan na makakakuha lamang ng endorsement ang isang kandidato kung marami itong pera.

“‘Yung pagpapakilala sa mga kandidato, gawin ng gobyerno at ipagbawal ang paggastos ng mga kandidato nang sa ganoon, ang pag-uusapan ay kredibilidad, track record at plataporma ng kandidato para sa bayan. Hindi pera-pera, hindi pasikatan. Para sa ganoon ay magkaroon tayo ng gobyernong talagang maglilingkod at hindi magnenegosyo,” ani De Guzman.

Nais niya ring tuldukan ang contractualization, isulong ang pagtataas sa sahod at benepisyo sa healthcare workers at siguraduhin ang kabuhayan ng mga mangigisda at magsasaka.

“Madaling ipakulong si (President Rodrigo) Duterte. Madaling habulin si Marcos. Pero ‘yung problema ng kahirapan ng ating mga magsasaka, ‘yung kaapihan ng ating mga manggagawa, ‘yung walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ‘yung biktima niyan ay 109 million na taong Pilipino. ‘Yun ang tingin ko na mas importante,” sabi pa ni De Guzman.

Samantala, kinuwestiyon niya ang umano’y hindi magandang pagtrato ng pamahalaan sa mga healthcare worker na lumalaban sa gitna ng pandemya.

“Pagkain lang, allowance lang, accommodation, hindi maibigay. Anong klaseng gobyerno ito? Mga kasama, dapat ‘yung pambayad utang, ‘yung napakalaking budget sa Build, Build Build ay ipihit muna para sa pagkain, para sa proteksiyon ng ating mga health workers nang sa ganoon ay magkaroon tayo ng lakas upang labanan ang Covid,” dagdag pa niya.