KabataanSaHalalan

PANAHON NG KAMPANYA, PREMATURE CAMPAIGNING PINALILINAW SA BATAS

/ 15 December 2021

ISINUSULONG ng mga kinatawan ng Bayan Muna ang panukala upang gawing malinaw ang period of candidacy at ipagbawal ang premature campaigning.

Inihain nina Bayan Muna Party-list Representatives Carlos Isagani Zarate, Eufemia Cullam at Ferdinand Gaite ang House Bill 10616 na naglalayong itama ang malabong probisyon sa ilalim ng Automated Election System Law.

“Since 2009, moneyed candidates have been able to launch their electoral campaign without violating the law, even before the start of the campaign period. This practice was brought about by the promulgation of Penera v. COMELEC,” pahayag ng mga mambabatas sa kanilang explanatory note.

Tinukoy ng grupo ang Section 80 ng Omnibus Election Code na nagsasaad na ipinagbabawal sa sinuman, botante man o kandidato, o sa anumang partido o samahan na masangkot sa election campaign o partisan political activity maliban na lamang sa panahon ng campaign period.

Subalit sa Section 13 ng Republic Act 9369, nakasaad na ang isang tao na naghain ng certificate of candidacy ay maikokonsidera lamang bilang kandidato sa pagsisimula mismo ng campaign period.

Dahil dito, ang anumang unlawful acts ng kandidato ay magiging epektibo lamang sa pagsisimula ng campaign period.

Iginiit ng mga mambabatas na dahil sa probisyon na ito, nawalan ng saysay ang intensiyon ng Section 80 ng OEC kaya hindi na maituturing na unlawful ang premature campaigning.

Sa panukala, nais ng mga kongresista na maging pantay-pantay ang labanan ng mga kandidato sa pamamagitan ng pag-aalis ng probisyon sa Automated Election System Law na nagdedeklara sa isang tao kung kailan ito itinuturing na kandidato.

Sa pamamagitan din ng panukala, ibinabalik ang effectivity ng Sec. 80 ng OEC at hindi lamang ididiskuwalipika ang mga kandidato na sangkot sa premature campaigning kundi mahaharap din sa kasong kriminal.

Binigyang-diin ng mga mambabatas na malinaw naman sa ngayon na nagsimula na ang election campaigning.

Tinukoy ng grupo ang malalaking billboards sa mga kalsad at expressways na may mga larawan ng mga politiko at partido.

Nagkalat na rin ang political advertisements sa television, radio, at social media.