PAGTAKBO SA ILALIM NG PDP-LABAN IBINASURA NI MAYOR SARA DUTERTE
KINUMPIRMA ng kampo ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na wala itong balak na tumakbo sa ilalim ng partido ng kanyang ama na PDP-Laban para sa 2022 elections.
KINUMPIRMA ng kampo ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na wala itong balak na tumakbo sa ilalim ng partido ng kanyang ama na PDP-Laban para sa 2022 elections.
Ayon kay Liloan, Cebu Mayor Christina Garcia Frasco, tagapagsalita ng alkalde, walang intensiyon si Mayor Sara na maging miyembro ng PDP-Laban o maging standard bearer ng partido.
“Mayor Sara Duterte has already filed her Certificate of Candidacy for mayor. Not being a member of PDP-Laban, she is not privy to the party’s sudden change of plans,” pahayag ni Frasco.
Nauna rito, iginiit ni Energy Secretary Alfonso Cusi na posible pa rin nilang isulong ang tandem nina Mayor Sara at Senador Bong Go bilang kanilang standard bearer kung ito ang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“If we are going to take the President’s word, when he said that Sara-Bong Go na, then it will be like that,” pahayag ni Cusi.
Gayunman, inamin ni Cusi na hindi pa nila natatalakay sa alkalde ang usapin.
Ipinaalala ni Cusi na mayroon silang inaprubahang resolution na binibigyang awtoridad si Pangulong Duterte na tukuyin ang kanilang mga kandidato.
Sa kabila ng pahayag ni Sara na hindi iiwanan ang kanilang regional political party na Hugpong ng Pagbabago, sinabi ni Cusi na posible pa ring sumanib ang presidential daughter sa kanilang partido.