KabataanSaHalalan

PACQUIAO HINAMON SI BBM NG ONE-ON-ONE DEBATE

HINAMON ni presidential bet at Senador Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao si dating Senador Ferdinand 'Bongbong' Marcos ng one-on-one debate upang mailatag din niya ang kanyang mga plataporma para sa bayan.

/ 22 March 2022

HINAMON ni presidential bet at Senador Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao si dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ng one-on-one debate upang mailatag din niya ang kanyang mga plataporma para sa bayan.

Kasunod ito ng hindi pagdalo ni Marcos sa mga nakalipas na debate na inorganisa ng iba’t ibang grupo, kabilang na ang Commission on Elections.

“Sa akin kung gusto niya… baka nahihiya siya sa maraming a-attend. Okay sa akin magdebate kaming dalawa lang… kaming dalawa lang. Tingnan natin kung ano ang plataporma niya, kung ano ang plataporma ko,” pahayag ni Pacquiao.

“Baka mahiyain siya. One-on-one na lang, para malaman ng taumbayan ang plataporma ko ang plataporma niya,” paglilinaw pa ng senador.

Nang tanungin si Pacquiao kung kaya niyang harapin si Marcos, sumagot ito ng “Bakit naman hindi naman kaya. Lumaban nga tayo dito para sa mga Pilipino, eh. Handa tayong sagutin ang mga tanong na ibabato sa atin… kung ano ang plano natin sa taumbayan.”

Kung tumanggi naman si BBM, sinabi ni Pacquiao na karapatan niya ito subalit ang taumbayan na ang mag-iisip kung bakit siya tatanggi at bakit hindi niya sasabihin ang plataporma niya.

“Eh, kung gusto niya, eh ‘di i-advance natin mga questions. Iyong mga pag-uusapan, topic. Puwede naman topic,” dagdag pa ni Pacquiao.