NILULUTONG ‘NO-EL’ PINAKAMALAKING KASALANAN NG ADMINISTRASYON — SOTTO
ITINUTURING ni Senate President Vicente Tito Sotto III na magiging pinakamalaking kasalanan ng administrasyon kung hindi itutuloy ang eleksiyon sa Mayo 9.
ITINUTURING ni Senate President Vicente Tito Sotto III na magiging pinakamalaking kasalanan ng administrasyon kung hindi itutuloy ang eleksiyon sa Mayo 9.
Sinabi ni Sotto na nakapaloob mismo sa Konstitusyon ang pagtatakda ng eleksiyon tuwing ikatlong taon.
“‘Yun ang pinakamalaking magiging kasalanan kapag hindi itinuloy ‘yan, nationwide maraming aalma,” pahayag ni Sotto.
Gayunman, kung magkakaroon ng malaking dahilan upang hindi ituloy ang halalan, tiniyak ni Sotto na pinaghahandaan na ng Senado ang senaryo.
Muling binigyang-diin ni Sotto ang plano nilang paghahalal ng bagong Senate President bago matapos ang kanilang sesyon sa Hunyo.
Ang naturang Senate President, ayon kay Sotto, ang maaaring tumayong acting president sa sandaling hindi magkaroon ng eleksiyon, at siyang mamumuno sa bansa hanggang makapaghalal na ng bagong pangulo.
Aminado si Sotto na noong isang taon pa nilang pinag-uusapan at pinaghahandaan ang ‘no-el’ scenario kasunod na rin ng mga pangamba na hindi magkakaroon ng halalan dahil sa lumalalang kaso ng Covid19.