KabataanSaHalalan

MINIMUM WAGE ITATAAS NI LACSON, SOTTO

TINIYAK nina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III na tataas ang minimum wage kapag sila na ang namamahala sa gobyerno.

/ 3 May 2022

TINIYAK nina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III na tataas ang minimum wage kapag sila na ang namamahala sa gobyerno.

Sinabi ni Lacson na ang umiiral na P537 na minimum wage ay nakabatay pa sa inflation noong 2019 kung saan ang presyo ng langis sa world market ay nasa $80 kada bariles pa lamang.

Aniya, kailangan ding baguhin na ang sistema ng pagtatakda ng minimum na suweldo sa mga manggagawa.

Sa kuwenta ng senador, dapat ay nasa P652 kada araw na ang minimum na suweldo ng mga manggagawa sa National Capital Region kung ibabatay sa kasalukuyang inflation kung saan pumalo na sa $105 ang kada bariles ng langis sa pandaigdigang merkado.

Iginiit ni Lacson na sa halip na gawing regional tripartite ang pagtalakay sa nararapat na suweldo ng mga manggagawa ay ibatay na lamang ito sa cost of living sa isang lugar.

“I-legislate na lang ‘yung pag-adjust ng wages ng laborers kasi kung aasa ka sa wage board, tripartite at nagkaroon pa ng sellout kawawa ang laborers kasi naka-nganga lang sila. Imagine, 2019 pa ang inflation rate na sinusunod na pinagbasehan ng P537, iba na talaga ang inflation ngayon,” pahayag ni Lacson.

Sinabi naman ni Sotto na kayang-kaya nilang isulong ang pagdaragdag ng sahod kung sila na mismo ang magpapatupad ng mga batas at mamamahala sa gobyerno.