KabataanSaHalalan

MGA ESTUDYANTENG MAY MABABANG GRADO PASOK PA RIN SA DOKTOR PARA SA BAYAN SCHOLARSHIP

JAGNA, BOHOL - Tiniyak ni Senate President Vicente Sotto III na hindi mapipigilan ng mababang grado ang pagnanais ng isang estudyante na magmedisina.

/ 7 April 2022

JAGNA, BOHOL – Tiniyak ni Senate President Vicente Sotto III na hindi mapipigilan ng mababang grado ang pagnanais ng isang estudyante na magmedisina.

Sinabi ni Sotto na kung papalarin sila ng ka-tandem na si Senador Panfilo Lacson sa eleksiyon, ipatutupad nila nang walang diskriminasyon ang Doktor Para sa Bayan Law o ang Medical Scholarship Act.

Si Sotto ang principal author ng batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero 2021.

Layon ng batas na maparami pa ang mga doktor sa bansa sa pamamagitan ng medical scholarship na sasaklaw sa libreng matrikula, mga libro, living at iba pang allowances.

Bilang ganti, ang mga scholar ay obligadong magsilbi sa public health facilities ng kahit isang taon.

“Ang gusto ng Commission on Higher Education, ang Doktor Para sa Bayan ay para lang sa matataas ang grado. Hindi ganoon. Kung kami ni Senator Lacson ang magpapatupad kahit ang mga may 75 na grado puwedeng maging doktor. Paramihin natin ang mga doktor,” pahayag ni Sotto sa proclamation rally sa Jagna kung saan sila inendorso ni Mayor Joseph Rañilo.

Sinabi ni Sotto na dapat maipatupad nang maayos ang batas upang matiyak na magkakaroon ng sapat na doktor sa bansa.