KabataanSaHalalan

MAGAGANDANG PROGRAMA NG GOBYERNO ITUTULOY NI LACSON

TINIYAK ni Partido Reporma chairman at presidential candidate Panfilo Lacson na ipagpapatuloy niya ang magagandang programa ng kasalukuyang administrasyon sakaling siya ang mahalal na susunod na presidente sa 2022 elections.

/ 3 December 2021

TINIYAK ni Partido Reporma chairman at presidential candidate Panfilo Lacson na ipagpapatuloy niya ang magagandang programa ng kasalukuyang administrasyon sakaling siya ang mahalal na susunod na presidente sa 2022 elections.

“Ke i-endorse, ke-hindi, talaga namang ‘yung mga magagandang programa dapat ituloy, lalo ‘yung ‘Build Build Build,” pahayag ni Lacson sa lingguhang online ‘Meet the Press’ forum.

Idinagdag ng senador na ngayong panahon ng pandemya, ang gobyerno ang dapat na magpagulong o magpaandar sa ekonomiya.

“Kasi nawalan ng trabaho ang maraming tao, so ‘yung spending capacity nila nabawasan. So, dapat dito papasok talaga ang gobyerno by way of infrastructure,” pahayag ni Lacson.

Para sa mambabatas, magandang programa ang ‘Build Build Build’ dahil ito ang investment na may balik o ‘return on reinvestment’.

Gayunman, sinabi ni Lacson na may mga hakbang ang pamahalaan na dapat pang mapagbuti tulad ng pagtugon sa pandemya.

Tinanong din si Lacson kung bukas siyang tanggapin ang endorsement ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos umatras si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa presidential race at nagpahayag ang administrasyon na susuportahan nito ang ibang kandidato basta maipagpapatuloy ang mga programa sa imprastraktura, pagtugon sa pandemya at ang Malasakit Center.

“Napakaraming puwedeng i-improve actually. But whether we’ll be endorsed or not, ‘yung mga magagandang programa dapat ituloy, pero ‘yung mga may kahinaan dapat i-improve,” ayon pa kay Lacson.

Sinang-ayunan ito ng running mate ni Lacson na si Senate President Vicente Sotto III sa pagsasabing, “Yes, the good programs dapat talaga ituloy at ‘yung mga programa na ‘yon i-enhance, i-improve, not change. Ganoon ang attitude namin, tama po ‘yon, whether we are endorsed or not.”