KabataanSaHalalan

LACSON WAWALISIN ANG MGA KORAP SA GOBYERNO

NANGAKO si Partido Reporma chairman Panfilo Lacson na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay mauubos ang magnanakaw na tinawag niyang masiba kung kumuha ng kick back sa mga proyekto ng pamahalaan na dapat sana'y napupunta sa pagsasaayos ng buhay ng mga mamamayan.

/ 5 January 2022

NANGAKO si Partido Reporma chairman Panfilo Lacson na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay mauubos ang magnanakaw na tinawag niyang masiba kung kumuha ng kick back sa mga proyekto ng pamahalaan na dapat sana’y napupunta sa pagsasaayos ng buhay ng mga mamamayan.

“Nag-iimplementa ng proyekto ng gobyerno, halimbawa, P10-milyon ang isang proyekto, e hindi naman P10-milyon ang pumapasok doon sa proyekto. Nababawasan ng 20 percent, 30 percent minsan 40 percent depende na sa kasibaan, sa katakawan ng nag-iimplementa,” pahayag ni Lacson.

Sinabi ng senador na sa kabila ng paglobo ng badyet ng pamahalaan at lumalaking utang ng bansa ay nananatiling mahirap ang kalagayan ng marami sa ating kababayan, lalo pa ang mga nasa kanayunan.

Itinuturo niyang dahilan ang mga ‘matatakaw’ kung magnakaw sa pondong inilalaan sa mga proyekto ng gobyerno.

“Luminga kayo sa ating paligid, lalo na kapag napunta kayo sa mga liblib sa mga kanayunan. Saan napunta ‘yung taon-taon na budget natin?” diin ng senador.

Sa kanyang karanasan, sinabi ni Lacson na marami nang kaso ng katiwalian at anomalya sa mga proyekto ng gobyerno ang kanyang binusisi sa Senado.

Kabilang na rito ang imbestigasyon sa pagtugon ng pamahalaan sa Covid19 at sa bilyong transaksiyon sa Pharmally Pharmaceuticals Corp. na itinuturing na isa sa pinakamalaking corruption scandal na naganap sa ilalim ng administrasyon habang nagpapatuloy ang paghihirap ng mga Pilipino sa gitna ng pandemya.