KabataanSaHalalan

LACSON-SOTTO TANDEM TUTOK LANG SA PLATAPORMA

TINIYAK ni Senador Panfilo Lacson na handa siya sa presidential debates at forums upang mailatag ang mga plataporma niya sa gobyerno.

/ 31 October 2021

TINIYAK ni Senador Panfilo Lacson na handa siya sa presidential debates at forums upang mailatag ang mga plataporma niya sa gobyerno.

Gayunman, binigyang-diin ni Lacson na hindi siya sasali sa batuhan ng putik o siraan, mga intriga at iba pang ‘dirty tricks’ sa politika.

Sinabi ni Lacson na bahagi ito ng kanilang kasunduan ng kanyang running mate na si Senate President Vicente Sotto III.

“Gusto naming ibahin. Ang gutter politics at siraan, iiwasan. Ang iba nagsisiraan, kami hindi nakikihalo,” pahayag ni Lacson.

“’Pag issue lamang kami kasi ang ipinaglalaban namin ang experience, track record at ginawa namin, both executive and legislative work,” dagdag ng senador.

Kaugnay nito, agad kinasahan ni Lacson ang presidential forum na inorganisa ng Financial Executives Institute of the Philippines, Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Cignal TV at The Manila Times.

Sinabi ni Lacson na handa sila ni Sotto na sumali sa iba pang forums para iprisinta ang kanilang mga solusyon sa samu’t saring problema na kinakaharap ng bansa.

“Bukod sa debate ay may ganyang forum na ino-organize, willing kami maglahad ng road map at platform. Mabuti iyan para maunawaan ng iba’t ibang sector ang aming planong gawin,” dagdag ni Lacson.