LACSON-SOTTO SENATE SLATE LILIMITAHAN SA 10
TAGUM CITY, Davao del Norte — Target nina presidential bet Panfilo Lacson at running mate Vicente Sotto III na limitahan sa 10 ang kanilang senatorial lineup para sa halalan sa Mayo.
TAGUM CITY, Davao del Norte — Target nina presidential bet Panfilo Lacson at running mate Vicente Sotto III na limitahan sa 10 ang kanilang senatorial lineup para sa halalan sa Mayo.
Ayon kay Sotto, napagkasunduan nila ni Lacson na bawasan na ang numero ng kanilang mga ieendorsong senador.
Sa ambush interview sa kanilang political rally sa Tagum City, sinabi ni Sotto na mayroon na silang 10 kandidato na kapareho ng kanilang mga adbokasiyang isinusulong.
Tumanggi naman muna si Sotto na banggitin ang 10 kandidato kasabay ng pagtiyak na ang kanilang mga napili ay nakitaan nila ng katapatan sa kanilang tandem.
Ang pahayag ay ginawa ni Sotto kasunod ng pagbawi nila sa kanilang endorsement sa mga Nationalist People’s Coalition member na sina dating Quezon City Mayor Herbert Bautista at Senador Sherwin Gatchalian.
Sa orihinal na lineup nina Lacson at Sotto ay 15 senatoriables ang kanilang ineendorso.
Sa unang listahan na inilabas ng tandem, kasama sa Senate slate sina reelectionist Senators Richard Gordon, Joel Villanueva at Juan Miguel Zubiri, dating Senators Francis Escudero, Gringo Honasan, JV Ejercito at Loren Legarda, dating Vice President Jejomar Binay, dating Agriculture Secretary Manny Pinol, mga Partido Reporma members na sina Monsour del Rosario, Dra. Minguita Padilla at dating PNP chief Guillermo Eleazar at broadcaster Raffy Tulfo.