KabataanSaHalalan

LACSON, SOTTO ‘DI NABABAHALA SA RESULTA NG MGA SURVEY

HINDI nababahala si Partido Reporma standard-bearer Panfilo Lacson at running mate Vicente 'Tito' Sotto III sa resulta ng mga survey.

/ 1 March 2022

HINDI nababahala si Partido Reporma standard-bearer Panfilo Lacson at running mate Vicente ‘Tito’ Sotto III sa resulta ng mga survey.

“Ako hindi, ako hindi bothered. Ang talagang dapat tingnan natin ay ang May 9,” pahayag ni Lacson.

Iginiit ng senador na kung paniniwalaan ang mga resulta ng survey, lahat ng mga presidentiable na dumalo sa debate ng CNN Philippines nitong Linggo ay talo na sa halalan.

“Ang wala doon ang panalo. Kung titingnan natin, kung babasehan lang natin ang resulta ng survey, walang panalo sa aming 9. Kung babasehan ang survey, ang mananalo, ang panalo ibig sabihin ‘yung wala doon,” diin pa ni Lacson.

Samantala, kapwa bilib sina Lacson at Sotto sa performance ng bawat isa sa nakalipas na survey.

“Two thumbs up, above the rest,” sagot ni Lacson nang tanungin kung ano ang assessment kay Sotto.

“Thank you for the rating of Sen. Lacson. The same way if you ask mo on rating of Sen. Lacson last night, definitely two thumbs up,” sagot ni Sotto.

Kasabay nito, nanawagan ang magka-tandem sa Commission on Elections na pahabain ang oras sa mga isinasagawang debate.

Ayon kay Lacson, kung talagang ilalatag ang kanilang mga plataporma ay hindi sapat ang 1 minuto at 30 segundo na sagot sa mga katanungan sa mga isinasagawang debate.

Aminado si Lacson na overprepared siya subalit ang daming mga hindi naitanong sa kanila tulad ng water crisis, power crisis na mas maganda sana kung natalakay para malaman ng mga kababayan ang mga plataporma bawat isa ng presidential candidates.