LACSON: DRAMA, KATATAWANAN HUWAG GAWING SANGKAP NG ELEKSIYON
NANAWAGAN si Partido Reporma chairman at presidential candidate Panfilo Lacson sa mga kandidato na huwag gawing normal na sangkap ng eleksiyon ang mga drama, katatawanan o entertainment, at sa halip ay magpokus sa pagbibigay ng solusyon sa mga problema ng bansa.

“Napakaraming problema na dapat tugunan. Hindi makukuha ‘yan sa Tiktok, hindi ‘yan makukuha sa patawa, hindi ‘yan makukuha sa kadadrama,” pahayag ni Lacson.
Iginiit ng senador na kailangan ang mas malalim na pagtalakay sa mga isyung panlipunan na sumisira sa pag-unlad ng buhay ng mga Pilipino.
Idinagdag ng senador na hindi basta-basta masosolusyonan ang mga problema sa bansa katulad ng kahirapan at katiwalian.
Para sa mambabatas, sa halip na idaan sa iba’t ibang taktika ng mga kandidato ngayong hindi pa man nagsisimula ang opisyal na kampanya para sa 2022 national at local elections ay dapat itong pag-aralang mabuti.
“Dapat pag-aralan ang problema, pag-aralan ‘yung solusyon, magtanong sa nakakaalam, sa mga eksperto, at i-apply ang puwedeng i-apply,” diin pa ni Lacson.
‘”Yan ang aming gagawin ni Senate President Sotto kung kami ay bibigyan ninyo ng pagkakataon. Hindi lamang sa Bulacan, hindi lamang sa Cavite, hindi lamang sa Davao—sa buong Pilipinas,” dagdag pa ni Lacson.