KAMPO NI PIMENTEL HINDI ISUSUKO ANG PDP-LABAN
HINDI pa rin isusuko ng kampo ni Senador Aquilino 'Koko' Pimentel III ang laban para sila ang kilalaning legal na paksyon ng PDP-Laban.
HINDI pa rin isusuko ng kampo ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang laban para sila ang kilalaning legal na paksyon ng PDP-Laban.
Ayon kay Pimentel, hindi pa immediately executory ang desisyon ng Commission on Elections na kumikilala sa paksyon ni Energy Secretary Alfonso Cusi bilang lehitimong miyembro ng partido.
Sinabi ng senador na maghahain sila ng motion for reconsideration sa usapin sa loob ng limang araw.
Ipinaliwanag ni Pimentel na kukuwestiyunin nila ang Comelec sa pag-aksiyon sa maituturing na “fatally defective petition” nang hindi man lamang sila inabisuhan.
Kinumpirma ng senador na dismayado at nanggagalaiti ang marami sa kanila na 40 taon nang miyembro dahil nahihiwalay sila sa kanilang partido nang dahil lamang kina Cusi na limang taon pa lamang sa partido.
Inihambing pa ni Pimentel ang desisyon ng Comelec sa printer ng Bangko Sentral ng Pilipinas na mas kinilala pa umano ang fake money printer sa halip na printer ng BSP dahil mas marami itong kayang iimprenta.
Binigyang-diin ng senador na hindi paramihan ang labanan at dapat ay matukoy ang mga totoo sa pekeng miyembro.