KabataanSaHalalan

ISKO MORENO TULOY NA ANG PAGTAKBO SA PAGKA-PANGULO

NAGHAIN na ng kani-kanilang certificate of candidacy sina Manila Mayor Francisco 'Isko Moreno' Domagoso at Doc Willie Ong para sa presidential at vice presidential elections sa susunod na taon sa ilalim ng Aksyon Demokratiko Party.

/ 5 October 2021

NAGHAIN na ng kani-kanilang certificate of candidacy sina Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at Doc Willie Ong para sa presidential at vice presidential elections sa susunod na taon sa ilalim ng Aksyon Demokratiko Party.

“Mga kababayan, tanggapin po ninyo ang aplikasyon ko. Buong kababaang-loob, ako po tumatakbong pangulo ng bansa at aplikante ninyo,” pahayag ni Moreno matapos ang paghahain ng COC sa Harbor Garden Tent sa Sofitel.

Inamin ng alkalde na kabado siya sa pagsabak sa halalan sa pinakamataas na posisyon.

“Sa dami kong sinalihan na halalan, ngayon ako medyo kabadong-kabado,” dagdag ng alkalde.

Sa gitna nito, tiniyak ni Moreno na handa siyang makatrabaho ang mga aspiring Senate candidates mula man sa administrasyon o oposisyon.

Samantala, iginiit naman ni Ong na tututukan ng kanilang tandem ang ‘healing’ sa bansa at iiwasan ang political fights.

“Ang pinaka-focus namin nga ay maghilom ‘yung bansa. Hindi tayo mag-fo-focus sa mga away politika,” pahayag ni Ong.

Sa ikaapat na araw ng paghahain ng COC, bukod kay Moreno, nag-file din ng kandidatura sa pagka-pangulo sina Sonny Boy Andrade, Juanita Trocenio, Alfredo Respuesto, Gabriela Larot, Faisal Mangondato, Leo Cadion, Delia Aniñon, Renato Jose Valera at Melchor ‘Kidlat’ Duno.

Sa vice presidential post, bukod kay Ong, naghain din ng COCs sina Carlos Serapio at Princess Sunshine Amirah Magdangal.

Sa senatorial post ay naghain ng kandidatura sina Narciso Solis, Marieta Mindalano-Adam, Guzman Claro, Roberto Aniceto Jr., Maria Lourdes Santiago, Edgar Miranda, Rosita Maura Delos Angeles, Jigger ND Pitos, Eleazar Calampiano, Bobby Francisco, Pedro Austria, Florencio Carlos, Anthony Castro, Mario Mangco, Junbert Guigayuma at Jennet Tam.

Nadagdag naman sa talaan ng Partylist ang Koalisyon ng Indigenous People o AKO IP, Marvelous Tayo, Alagaan ang Sambayanang Pilipino o ASAP, Gabriela, Ating Agapay Sentrong Samahan ng mga Obrero o AASENSO Inc., Ako’y Tech Voc, Alalayang Kuya at Ate sa Pilipinas o AKAP at Truck Drivers Philippines.