KabataanSaHalalan

INITIAL SENATORIAL LINEUP PARA SA 2022 POLLS INANUNSIYO NG LIBERAL PARTY

/ 29 September 2021

PINANGALANAN na ng Liberal Party ang lima sa kanilang isasabak sa pagka-senador sa 2022 elections.

Sa National Executive Council meeting, inaprubahan ang nominasyon nina Senador Kiko Pangilinan, Senadora Leila de Lima at dating Senador Bam Aquino bilang senatorial candidates ng partido.

Nagpasa rin ang partido ng isang resolusyon na nag-eendorso kina Sen. Risa Hontiveros at Atty. Chel Diokno bilang karadagang senatorial candidates.

Ang convention ay dinaluhan nina Vice President Leni Robredo, Pangilinan, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Rep. Kit Belmonte, dating Reps. Teddy Baguilat at Erin Tañada.

Suportado rin ng partido ang mga hakbang ni Robredo para makabuo ng koalisyon at binigyan ito ng kapangyarihan na bumuo ng isang united ticket ng mga kandidato para sa 2022 national elections.

Samantala, tiniyak ni Robredo sa kanyang partido na alam niya ang kanyang mga responsibildiad bilang lider ng oposisyon matapos siyang punahin ni dating Senador Antonio Trillanes IV na hayaan ang ilan nilang miyembro na sumanib sa ibang presidential aspirants.

“Alam kong tumatakbo ang oras. Mulat ako sa deadlines. Mulat din ako sa tungkulin ko bilang pinuno, bilang Chairman ng ating party, at in a sense, pinuno rin ng lahat ng taong kahanay natin sa layuning ito,” pahayag ni Roberdo.

Binigyang-diin ng Bise Presidente na nakapokus sila sa hakbanging tapusin ang anti-democratic, anti-rights, corrupt, at self-serving na pamahalaan na dahilan ng paghihirap ng maraming tao.

“Gusto kong idiin sa inyo na walang ibang tumatakbo sa isip ko ngayon kundi ang imperative na ito,” ani Robredo.

Nanindigan din siya sa pagsusulong ng unity talks kasabay ng pagsasabing responsibilidad nilang maghanap ng mga taong kahalintulad nila ang adhikain.

Sinimulan ni Robredo ang unification process sa pamamagitan ng exploratory talks noong Hunyo kina Senators Panfilo Lacson, Richard Gordon, at Emmanuel Pacquiao, gayundin kay Manila Mayor Francisco Domagoso.