KabataanSaHalalan

HERBERT INALIS NA SA LACSON-SOTTO SENATE SLATE

KINUMPIRMA nina presidential bet Panfilo Lacson at running mate Vicente Sotto III na inalis na nila sa kanilang senatorial lineup si dating Quezon City Mayor Herbert Baustista.

/ 10 February 2022

KINUMPIRMA nina presidential bet Panfilo Lacson at running mate Vicente Sotto III na inalis na nila sa kanilang senatorial lineup si dating Quezon City Mayor Herbert Baustista.

Ito ay kahit miyembro pa ng Nationalist People’s Coalition si Bautista na pinamumunuan ngayon ni Sotto.

Sinabi ni Lacson na sumulat sa kanila si Bistek at nagpapaalam kung maaari siyang maging kinatawan ng NPC sa Uniteam o sa tambalan nina Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio.

Natatawang inamin ng dalawa na hindi nila alam kung paano tutugunan ang hiling ng dating alkalde.

Sa pagiging miyembro naman ng NPC, sinabi ni Sotto na pag-uusapan pa ng partido kung ano ang kanyang magiging kapalaran.

Samantala, inamin nina Sotto at Lacson na may kurot sa kanilang puso na makita sa ibang entablado sa proclamation rally ang ilan nilang mga kasamahan sa Senado na reelectionists.

Gayunman, iginiit nila na nirerespeto nila ang desisyon ng mga ito at mananatili ang endorsement nila sa mga ito hanggang sila pa rin ang sinusuportanhang kandidato sa pinakamataas na posisyon.

Matatandaang sina Senators Sherwin Gatchalian at Juan Miguel Zubiri ay personal na dumalo sa proclamation rally ng Uniteam sa Bulacan at nagpadala lamang ng kinatawan sa kanilang aktibidad sa Cavite.

Patuloy naman ang balidasyon ng dalawa sa impormasyon na may iba nang kandidatong ineendorso si Senador Richard Gordon sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo.