KabataanSaHalalan

GO NAGHAIN NG KANDIDATURA SA VICE PRESIDENTIAL POST

/ 3 October 2021

TALIWAS sa deklarasyon at nominasyon ng PDP-Laban, hindi si Pangulong Rodrigo Duterte at sa halip ay si Senador Christopher ‘Bong’ Go ang sasabak sa vice presidential race sa susunod na taon.

Kasama si Pangulong Duterte, naghain si Go ng kanyang certificate of candidacy para sa ikalawang pinakamataas na posisyon, sa Harbor Garden Tent ng Sofitel sa Pasay City.

“Given that President Rodrigo Duterte decided to withdraw his acceptance of nomination, I am here to take the challenge as PDP’s Vice Presidential candidate. Napagdesisyunan kong tumakbo bilang bise presidente sa darating na halalan upang maipagpatuloy ang magagaandang programa at tunay na pagbabago na inumpisahan ni Pangulong Duterte at sisikapin nating dagdagan pa ang mga ito,” pahayag ni Go sa kanyang talumpati matapos ang paghahain ng COC.

“Kung ako po ay papalarin at bibigyan po ng pagkakataon ng mga kapwa ko Pilipino at sa patnubay po ng ating Panginoon, I will be a working Vice President na gagawin ang lahat ng aking makakaya para makapagsilbi po sa inyong lahat. Hindi ako magiging spare tire o reserba lamang. Asahan ninyo na ako ay totoong magta-trabaho hindi lang sa salita kundi sa gawa. I don’t want to be remembered as just another senator or vice president. I want to be remembered as a publi c servant,” dagdag pa ni Go.

Kasabay nito, inanunsiyo ni Pangulong Duterte ang kanyang pagreretiro sa politika sa gitna ng pangamba na magkakaroon ng paglabag sa Konstitusyon kung itutuloy niya ang kandidatura bilang vice president sa susunod na taon.

“Sentiments of the Filipino people is that I am not qualified and it will be a violation of the Constitution to circumvent the law, the spirit of the Constitution and so in obedience to the will of the people who have the role and place me in Presidency many years ago, I now say sa mga kababayan ko sundin ko ang gusto ninyo and today I announce my retirement from politics,” pahayag ni Pangulong Duterte.

Samantala, naghain na rin ng kanilang certificate of candidacy sa Commission on Elections para sa senatorial elecction  si dating Senador JV Ejercito at ang broadcaster na si Raffy Tulfo.

Naghain din ng COC para sa senatorial post ang Kapa founder na si Joel Apolinario at isa pang personalidad na si Loreto ‘St. Loreto’ Banosan habang sa pagka-Pangulo, naghain ng kandidatura si Victoriano Inte.

Sa hanay ng partylist, naidagdag sa talaan ng mga naunang naghain ang APEC, PhilRECA, Recoboda, Ako Padayon Pilipino, Abang Lingkod, Philippine National Police Retirees Association, Inc., PDP Cares Foundation, Ang Kabuhayan at Bagong Henerasyon.