GATCHALIAN ‘OUT’ NA RIN SA LACSON-SOTTO LINEUP
ISA pang miyembro ng Nationalist People's Coalition ang tinanggal sa Senate slate nina presidential bet Panfilo Lacson at running mate Vicente Sotto III.
ISA pang miyembro ng Nationalist People’s Coalition ang tinanggal sa Senate slate nina presidential bet Panfilo Lacson at running mate Vicente Sotto III.
Sa katauhan ito ni Senador Sherwin Gatchalian na matatandaang hindi dumalo sa proclamation rally ng Lacson-Sotto tandem noong Martes sa Imus, Cavite.
Sa press briefing, ipinakita nina Lacson at Sotto ang 20-seconder video footage kung saan narinig ang pag-eendorso ni Gatchalian sa Uniteam sa proclamation rally nina dating Senador Bongbong Marcos at Mayor Sara Duterte-Carpio.
Binigyang-diin ni Lacson na malinaw ang kanilang kasunduan sa kanilang mga senatorial bet na kahit hindi sila mag-endorso ng presidential at vice presidential bets ay hindi rin sila dapat mag-endorso ng iba pang kandidato.
Samantala, sinabi ni Sotto, na siyang chairman ng NPC, na hindi pa nila napag-uusapan sa partido ang posibleng kapalaran sa kanila ni Gatchalian.
Ipinaliwanag ni Sotto na magtatakda pa lamang sila ng pulong kasama ang iba pang miyembro upang talakayin ang iba’t ibang usapin, kabilang na ang presidential at senatorial endorsement.
Nilinaw naman nina Sotto at Lacson na nirerespeto nila ang naging aksiyon ni Gatchalian at mananatili silang magkakaibigan sa pagtatapos ng eleksiyon.
Samantala, sa kanyang statement sa Senate media, sinabi ni Gatchalian na nirerespeto niya ang desisyon ng tandem subalit hindi, aniya, ito dahilan upang mabawasan ang paggalang niya kina Lacson at Sotto’
Si Gatchalian ay ikalawa na sa senatorial bets na hindi na ieendorso ng Lacson-Sotto tandem kasunod ni dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.