KabataanSaHalalan

ELEAZAR TARGET PALITAN SI LACSON BILANG ANTI-CORRUPTION CZAR NG SENADO

NANINIWALA si senatorial aspirant ret. PNP Gen. Guillermo Eleazar na maaari siyang humalili kay Senador Panfilo Lacson bilang anti-corruption czar ng Senado, partikular sa pagbabantay sa 'pork barrel'.

/ 6 February 2022

NANINIWALA si senatorial aspirant ret. PNP Gen. Guillermo Eleazar na maaari siyang humalili kay Senador Panfilo Lacson bilang anti-corruption czar ng Senado, partikular sa pagbabantay sa ‘pork barrel’.

Sinabi ni Eleazar na malaki na ang naiambag ni Lacson sa laban sa korupsiyon dahil sa pagbabantay sa ‘pork barrel’ o Priority Development Assistance Fund ng mga mambabatas ngunit nakatakda na itong umalis sa Senado sa pagtakbo bilang pangulo ng bansa sa Mayo 9.

Pinuri rin ng dating heneral ang isa pang dating hepe ng PNP na si Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na siya namang nagsusulong sa ‘peace and order’ ngunit iginiit niya na kailangang may humalili kay Lacson sa Senado.

“Si Sen. Ping Lacson andiyan ang kanyang kontribusyon. Nakita natin kung papaano niya bantayan ang kaban ng bayan, si Gen. Dela Rosa andiyan din para sa peace and order natin,” pahayag ni Eleazar.

“Eh, paalis na si Sen. Ping Lacson, dapat merong papalit doon na makakasama ni Gen. Bato Dela Rosa para maisulong ang sektor na magtataguyod para sa ating kapayapaan dahil lahat ng ating ginagawa para sa economic development, lahat iyan ang pundasyon ay peace and order,” dagdag ng senatorial aspirant.

Itutuloy rin ng dating heneral ang pagbabantay sa PDAF na naumpisahan ni Lacson na isa sa responsibilidad ng Senado sa ilalim ng oversight function.

“Alam n’yo sinasabi naman ng lahat na napakarami nating pera, eh ang problema eh nagagamit ba sa tama iyon? Kaya andun ang pagbabantay, nandoon ang Senado para magbantay nito at iyon ang ating isinusulong,” paliwanag pa ni Eleazar.

Isa rin sa batas na kanyang isusulog ang digitalization ng transaksiyon sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan para maalis ang “human intervention” at magkaroon ng transparency, accountability at mawala, mabawasan o mapigilan ang korupsiyon.