KabataanSaHalalan

DUTERTE UMATRAS SA SENATE RACE

NAGPASIYA si Presidente Rodrigo Duterte na huwag nang ituloy ang pagtakbo sa pagka-senador sa eleksiyon sa susunod na taon.

/ 15 December 2021

NAGPASIYA si Presidente Rodrigo Duterte na huwag nang ituloy ang pagtakbo sa pagka-senador sa eleksiyon sa susunod na taon.

Personal na inihain ng Pangulo ang kanyang statement of withdrawal sa Commission on Elections Martes ng hapon, Disyembre 14, ilang oras lamang makaraang opisyal na umattas si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa presidential race.

Kasama ng Pangulo na nagtungo sa Comelec si Executive Secretary Salvador Medialdea.

Ayon kay Acting Presidential Spokesman Karlo Nograles, naniniwala si Pangulong Duterte na ang pag-atras sa kanyang senatorial bid ay magbibigay-daan upang kanyang matutukan ang pagtugon ng pamahalaan sa pandemya tungo dahan-dahang pagbubukas ng ekonomiya.

“He likewise views this as an opportunity to concentrate on efforts to ensure transparent, impartial, orderly and peaceful elections in May,” ani Nograles.

Sinabi pa ni Nograles na makaraan ang mahigit apat na dekadang paglilingkod sa publiko ay plano ng Pangulo na sa kanyang pagreretiro sa gobyerno ay mas mabibigyan niya ng panahon na makapiling ang kanyang pamilya sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo

Nagtungo naman si Go sa tanggapan ng Comelec Martes ng umaga at inihain ang kanyang aplikasyon para sa withdrawal sa presidential bid.

Dumating si Go sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Manila lulan ng taxi at dumiretso sa Comelec kung saan inasikaso niya ang mga dokumento para sa kanyang pag-atras.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Go na ito ay ang pagtupad niya sa kanyang binitiwang salita noong Nobyembre 30 na hindi na siya lalahok sa halalan at patuloy na magseserbisyo na lamang bilang senador.

“As a matter of principle, wala na po ako sa karerang ito sa pagtakbo bilang pangulo ngayong 2022,” pahayag ni Go.

Sinabi ng senador na matagal nang alam ni Pangulong Duterte ang plano niyang pagtungo sa Comelec dahil nakapagpaalam na siya habang wala aniyang may alam maging ang kanyang driver sa kanyang lakad.

“Ako po ay may isang salita. Kung ano po ‘yung sinabi ko tutuparin ko po iyan,” dagdag niya.

Ikinatwiran niya sa pag-atras na hindi niya matanggap sa kanyang sistema ang pagtakbo sa pinakamataas na posisyon at tutol din ang kanyang pamilya.

Umalis si Go sa Intramuros sakay pa rin ng taxi ngunit sinusundan na siya ng mahabang linya ng mga pribadong sasakyan at mga motorcycle rider na kanyang tagasuporta.