KabataanSaHalalan

COMELEC HINAMONG MAGING TRANSPARENT, ACCOUNTABLE SA ‘HACKING INCIDENT’

NANAWAGAN si Senador Panfilo 'Ping' Lacson sa Commission on Elections na pagsikapang makapaglabas ng inisyal na impormasyon sa sinasabing hacking sa kanilang website.

/ 12 January 2022

NANAWAGAN si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa Commission on Elections na pagsikapang makapaglabas ng inisyal na impormasyon sa sinasabing hacking sa kanilang website.

Ito ay habang patuloy ang imbestigasyon ng poll body, katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT), sa nasabing report.

Sinabi ni Lacson na mahalagang malaman ang tunay na reponsable sa insidente, kung ano ang motibo nito, at kung sino ang makikinabang sa umano’y hacking.

Gayunman, kailangan pa rin muna aniyang hintayin ang sagot ng naglabas ng impormasyon kaugnay sa hamon na maglabas ng ebidensiya sa hacking allegations.

“That said, the Comelec should clarify the veracity of the hacking incident and be forthright with its findings,” pahayag ni Lacson.

Bukod dito, kailangan ding hayaan ng Comelec ang ibang eksperto na magbigay ng kanilang mga suhestiyon para sa pagpapalakas ng security system kabilang na ang cybersecurity experts.

Ipinaalala ni Lacson na tanging transparency at accountability ang garantiya para sa integridad ng halalan sa May 9, 2022.

Binigyang-diin niya na ang eleksiyon ay hindi lamang tungkol sa individual candidates kundi para sa pagpapalakas ng demokrasya ng bansa.

“This is not just about the individual candidates, but about upholding our democracy which, if the hacking turns out to be true, is gravely being threatened,” diin ni Lacson.