KabataanSaHalalan

BONG GO UMATRAS NA SA PRESIDENTIAL RACE

TULUYAN nang umatras sa kanyang kandidatura bilang pangulo sa 2022 elections si Senador Christopher 'Bong' Go.

/ 1 December 2021

TULUYAN nang umatras sa kanyang kandidatura bilang pangulo sa 2022 elections si Senador Christopher ‘Bong’ Go.

Sa isang ambush interview sa Pinaglabanan Shrine, inisa-isa ni Go ang mga dahilan ng kanyang pag-atras sa pampanguluhang eleksiyon.

Sinabi ni Go na una sa kanyang mga rason ang pagtutol ng kanyang buong pamilya sa kanyang kandidatura bukod pa sa aminado siyang hindi pa niya panahon ngayon at tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam kung kailan ang tamang panahon para sa kanya.

Idinagdag pa ng senador na ayaw rin niyang maipit sa labanan si Pangulong Rodrigo Duterte matapos na ring kumandidato si Mayor Inday Sara Duterte-Carpio bilang bise presidente.

“Ayoko rin pong lalong maipit si Pangulong Duterte higit pa po sa tatay ang pagmamahal ko sa kanya, matanda na po siya at marami na rin siyang naibigay para sa bayan, ayaw ko na pong dagdagan pa ang kanyang problema. Nananatili akong tapat sa kanya at nangako akong sasamahan ko po siya habambuhay. ‘Yun po ang pinangako ko sa kanya noon pa man,” pahayag ni Go.

Iginiit pa ni Go na handa siyang magsakripisyo upang pagbuklurin ang kanilang mga tagasuporta at para sa kabutihan ng bansa.

Tulad ng mga nakaraang pahayag ng mambabatas, sinabi niya na sa mga nakalipas na araw ay naglalaban ang kanyang puso, isipan at katawan sa kanyang pagsabak sa presidential race.

“In the past few days I realized that my heart and my mind are contradicting my action. talagang nagre-resist po ang aking katawan, puso at isipan. Tao lang po ako na nasasaktan at napapagod. Sa ngayon po ‘yun ang mga rason ko that is why I am withdrawing from the race.
Having said this i leave my fate to God and to the Filipino people,” dagdag ni Go.

Nanawagan na lamang ang senador sa iba pang kandidato sa pagka-pangulo at iba pang posisyon na unahin ang interes at kapakanan ng sambayanan.