BONG GO SA PRESIDENTIAL BID: BAKA HINDI KO PA PO PANAHON
"BAKA hindi ko pa po panahon. Ayaw ko pong mahirapan si Pangulong Rodrigo Duterte at mga supporters namin.”
“BAKA hindi ko pa po panahon. Ayaw ko pong mahirapan si Pangulong Rodrigo Duterte at mga supporters namin.”
Ito ang inihayag ni Senador Christopher ‘Bong’ Go kasabay ng pagkumpirmang handa siyang magsakripisyo upang pagkaisahin ang kanilang mga tagasuporta.
Sinabi ni Go na ayaw niyang may maipit, mamroblema at masaktan kaugnay sa usapin ng presidential race lalo na si Pangulong Rodrigo Duterte na may edad na at ayaw na niyang bigyan pa ito ng dagdag na problema.
Sa kabila nito, sinabi ni Go na ipinauubaya na niya ang kanyang kapalaran sa Diyos at sa sambayanang Pilipino kasabay ng pagtiyak na magpapatuloy ang pagseserbisyo sa publiko.
Binigyang-diin ni Go na maraming paraan para makatulong sa kapwa Pilipino kahit saan pa siya dalhin ng kanyang tadhana.
Aminado si Go na patuloy siyang nananalangin ng gabay mula sa Panginoon dahil naniniwala siyang ‘destiny’ ang pagiging Pangulo ng bansa.
Kinumpirma rin ni Go na bagaman nakatataba ng puso ang mainit na pagtanggap at suporta ng maraming kababayan, sa mga nakalipas na araw ay magkalaban na ang kanyang puso at isip sa kanyang mga ginagawa.
“But in the past few days po, I realized that my heart and mind are contradicting my own actions. Tao lang po ako na nasasaktan at napapagod din. O baka dahil sadyang napakarumi at ganoon kainit lang talaga ang politika. Talagang nagre-resist po ang aking katawan, puso at isipan. Pati po ang aking pamilya ay nahihirapan,” dagdag pa niya.