BBM NAGHAHANAP NG RUNNING MATE MULA SA VISMIN; PACQUIAO KINOKONSIDERA
INIHAYAG ni Senadora Imee Marcos na mula sa Visayas o Mindanao ang tinitingnan nilang maging running mate ng kapatid na si dating Senador Bongbong Marcos.
INIHAYAG ni Senadora Imee Marcos na mula sa Visayas o Mindanao ang tinitingnan nilang maging running mate ng kapatid na si dating Senador Bongbong Marcos.
“Very obvious naman ‘yung preference namin, sinasabing may ‘Solid North’, mas malakas kami sa norte. Si Bongbong may National Capital Region din, malakas din naman kahit paano. Tapos Region 8. Pero medyo takot sa Mindanao, medyo bulag kami doon,” pahayag ni Marcos.
“So, naturally we’re tending towards the Mindanao and VisMin candidates,” dagdag ng senadora.
Kinokonsidera rin, aniya, nila ang isa pang presidential bet na si Senador Manny Pacquiao.
Ito ay kung nanaisin ng Pambansang Kamao na bumaba bilang vice presidential aspirant.
“There’s also the option…we also like the idea, siyempre taga-Mindanao din, kung mag-i-slide naman si Sen. Pacquiao. Taga-Mindanao din ‘yan, super popular din at kaibigan naman natin iyan kahit na may pitik-pitik lately,” diin ni Marcos.
“‘Di na kami balat sibuyas ‘pag medyo may bumibira, alam mo naman sa kasagsagan sa init ng halalan, OK lang,” dagdag pa niya.
Bukod sa paniniguro ng boto mula sa South, iginiit ni Imee na nais din ni Bongbong ng isang running mate na madali nitong makakapalagayang loob.
“Si Bongbong, naghahanap ng ka-tandem na bagay sa kanya, ‘yung kasundo niyang katrabaho kasi kahit papaano ‘di ba dapat may tiwala ka, tapos bagay kayo at nagkakaintindihan kayo nang maigi,” sabi pa ni Marcos.
“Hindi lang naman boto boto ‘yan e. Kailangan kaibigan mo rin to a certain degree,” dagdag pa niya.
Agad namang tinutulan ni Pacquiao ang pagkonsidera sa kanya bilang running mate.
“While I’m flattered of various camps seeking me to be their VP, it requires the Presidency para magawa ang mga pangako ko sa mga mahihirap at sa mga nagsisikap na mula sa hirap,” pahayag ni Pacquiao.
“Although I am touched and extremely honored. Tuloy and laban natin sa pagka-Pangulo. Para sa pagbabago at para sugpuin ang corruption na lumalala sa bansa. I will not fail the people,” aniya.
Sa panig naman ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, sinabi niya na bahagi ng psywar ng kampo ng dating senador ang pahayag ni Imee.
“That may be part of psywar. Negative psychology. Also being VP is not in the radar of MP,” ani Pimentel.
“The ticket must be ideologically consistent too. MP and Marcoses are worlds apart in their analysis of what ails our country,” dagdag pa ni Pimentel.