KabataanSaHalalan

12 NANALONG SENADOR IPOPROKLAMA NA SA MIYERKOLES

KINUMPIRMA ng Commission on Elections na posibleng sa Miyerkoles, Mayo 18, ang proklamasyon ng 12 nagwaging senador sa katatapos na eleksiyon.

/ 16 May 2022

KINUMPIRMA ng Commission on Elections na posibleng sa Miyerkoles, Mayo 18, ang proklamasyon ng 12 nagwaging senador sa katatapos na eleksiyon.

Sa Huwebes naman ipoproklama ang mga party-list na tiyak nang may puwesto sa Kongreso.

Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na kung matatapos nilang bilanganin hanggang Martes ang natitirang Certificates of Canvass ay maisasagawa na nila ang paghahanda para sa proklamasyon.

Nilinaw naman ni Garcia na magdaraos pa ang Lanao del Sur ng special election na target sa Mayo 24, matapos na magkaroon ng failure of elections sa 14 barangays doon.

Hindi naman na, aniya, makaaapekto ang bilang mula sa lalawigan sa mga boto ng mga kandidato kaya maaari na nilang maiproklama ang 12 nanalong senador at party-list groups.

“Anytime sa pagtingin namin ay sapat na ‘yung bilang ng mga boto na nakuha ng mga kanididato at hindi na makaaapekto ‘yung mga natitirang result kahit na hindi pa napapadala ang COC, puwede po kaming magkaroon ng proklamasyon kasama ‘yung party-list,” paliwanag pa ni Garcia.

Samantala, target ng Kongreso, na uupo rin bilang National Board of Canvassers, na tapusin sa loob ng isa hanggang dalawang araw ang canvassing ng mga boto para sa presidente at bise presidente.

Ayon kay Senate Majority Leader Migz Zubiri, sa kanilang pagbabalik-sesyon sa Mayo 23 ay agad nilang tatalakayin ang resolution para sa pagko-convene nila bilang NBOC.

Sa Mayo 24 naman target nilang mag-convene bilang NBOC kasama ang mga kinatawan ng Kamara upang pagkumparahin ang electronically transmitted Certificates of Canvass sa Batasan at sa physically transmitted COC sa Senado.

Sa tantya ni Zubiri, kung wala namang magiging problema at masyadong maraming kuwestiyon sa resulta ay sa hapon ng Mayo 24 ay matatapos nila ang canvassing upang pagsapit ng Mayo 25 ay makapag-convene ang joint session para sa proklamasyon ng bagong presidente at bise presidente.