12-MAN SENATE SLATE NG MAKABAYAN BLOC KUMPLETO NA
INENDORSO ng Makabayan Bloc sa Kamara ang 10 pang senatorial candidates upang mabuo na ang 12-man slate nito para sa May 9 elections.
INENDORSO ng Makabayan Bloc sa Kamara ang 10 pang senatorial candidates upang mabuo na ang 12-man slate nito para sa May 9 elections.
Kabilang sa mga bagong inendorso ng grupo sina dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat, dating Vice President Jejomar Binay, Atty. Chel Diokno, Atty. Luke Espiritu at Atty. Alex Lacson.
Kasama rin sa talaan sina labor leader Sonny Matula, reelectionist Senator Leila de Lima, reelectionist Senator Risa Hontiveros, Sorsogon Gov. Chiz Escudero at Antique Rep. Loren Legarda.
Una nang nagpahayag ng suporta ang grupo kina dating Bayan Muna party-list Representative Neri Colmenares at labor leader Elmer Labog.
“Ang deklarasyong ito ng Koalisyong Makabayan ng mga sinusuportahang kandidatong senador ay naghuhudyat ng lalong paglawak ng oposisyon at ng pagkakaisa para sa makabayang pagbabago,” pahayag ni dating Bayan Muna representative Satur Ocampo.
“Mahalaga ang pagkakaisang ito upang maipanalo ang interes ng mamamayan at umangat ang kabuhayan ng nakararami, matigil ang paglabag sa mga karapatang pantao, at muling mabuksan ang usapang pangkapayapaan,” dagdag pa ni Ocampo.
Ipinaliwanag ng grupo na ang endorsement ay ibinatay nila sa track records at mga adbokasiya ng mga kandidato, partikular laban sa red-tagging, pagsusulong ng peace talks, at karapatang pantao.
“Kaisa sila sa pagtataguyod ng repormang sosyo-ekonomiko at politikal para lutasin ang ugat ng digmaan at sa pagtataguyod ng peace talks. Kaisa sila sa pagtindig para sa karapatang pantao, pag-amyenda sa Anti-Terror Law, at pagtigil sa red-tagging at pampulitikang panunupil. Kaisa sila sa paggigiit ng pambansang interes at kasarinlan laban sa pagsasamantala at panlalamang ng dayuhang kapangyarihan,” diin ni Ocampo.