Campus

‘ZOOM BOMBERS’ UMATAKE SA ONLINE CLASS NG LA SALLE SA BACOLOD CITY

/ 1 October 2020

DALAWANG hindi pa nakikilalang ‘zoom bombers’ ang nanggulo sa online class sa University of St. La Salle Bacolod.

Batay sa ulat ng The Spectrum, ang opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng USLS, dalawang lalaking Indiano ang biglang nagsulat sa shared screen at nagsisisigaw habang naglelektura ang propesor ng kursong Lasallian Spirituality, ika-4 ng hapon, Setyembre 14.

Ayon sa propesor, hindi niya napansin na may nakapasok na ‘taga-labas’ sapagkat maraming nakapila sa Zoom waiting room.

Nagsimula ang hapon nila nang matiwasay, gaya ng pangkaraniwan, hanggang sa siya’y magbahagi ng powerpoint presentation.

Ilang minuto ang lumipas ay nakarinig sila ng nagbi-beatbox habang may nagsusulat ng kung ano-ano sa screen, na gulat na minatyagan ng lahat ng nasa meeting.

Isang estudyante ang nagwikang ‘tunog Indian’ ang Zoom bombers. Sinang-ayunan ito ng propesor sapagkat tila tunog Hindu ang rehistro ng kanilang wika.

Dahil hindi rin alam ng guro kung paano patatalsikin ang intruders sa Zoom ay kolektibong nagdesisyon ang klase na iwan na ang link at gumawa na lamang ng bago.

Ilang araw nang makarating sa Information Technology Department ang insidente saka nasilip na ang security settings ng propesor ay naka-set na ‘discoverable’ sa sinuman sa loob at labas ng USLS.

Samantala, isang hiwalay na imbestigasyon ang isinasagawa ng Discipline and Formation Office sa dalawang estudyante ng klase na umano’y nag-leak ng meeting details sa labas ng unibersidad.