Campus

WESTERN MINDANAO STATE U NAGHAHANDA SA PAGBUKAS NG SCHOOL OF MEDICINE

/ 14 September 2020

DAHIL sa Covid19 ay lumantad ang pangangailangan ng Filipinas sa pagkakaroon ng mas maraming doktor, nars, at medical practitioners na magpapaangat ng antas ng kalusugan ng bawat mamamayang Filipino.

Para tugunan ito, ang Western Mindanao State University ay puspusan nang naghahanda sa pagbubukas ng School of Medicine sa Zamboanga, Zamboanga del Sur.

Ayon kay WMSU President Dr. Ma. Carla Ochotorena, hinihintay na lamang nila ang pagbisita ng Technical Working Committee ng Commission on Higher Education upang masimulan na ang pinal na ebalwasyon bago buksan ang naturang medical school.

Sampung doktor mula sa iba’t ibang panig ng Filipinas ang binanggit ni Ochotorena na magtuturo sa School of Medicine, na may state-of-the-art facilities sa bawat espesyalisasyong bubuksan ng unibersidad.

“The opening of another medical school, especially by WMSU, will be another landmark for this city,” sabi niya.

Tututukan ng WMSU ang ‘poor but capable students’ na handang maglingkod sa mga kababayang Filipino kapag naging ganap nang medical practitioners.

Ito ang magiging pangalawang medicine school sa Tangway sa Zamboanga. Sa kasalukuyan ay nag-iisa lamang ang Ateneo de Zamboanga University na nag-aalok ng medical arts courses para sa buong rehiyon.