WEBINAR SA COLLEGE MENTAL HEALTH PINANGUNAHAN NG UNIONBANK
Dinaluhan ng 120 mag-aaral mula sa 24 unibersidad at kolehiyo sa bansa ang libreng webinar para sa mga magsisipagkolehiyo ngayong darating na Agosto, handog ng Student Mentoring Program Interns ng Unionbank noong 18 Hulyo 2020, sa Zoom.
Sa webinar na pinamagatang “Ad Astra per Aspera: Embracing a Virtual College Experience” hinimay-himay ang mga suliraning kahaharapin ng mga magsisipagkolehiyo ngayong darating na Agosto. Sa unang pagkakataon kasi, dala ng mga epekto ng pandemya, ay sasabak sila sa online at/o blended learning. Tinukoy sa webinar na sa digital na panahon, bagaman “techie” ang henerasyon ay hindi pa rin maitatatwang dagok ito para sa kalusugang mental ng kalakhan ng mga mag-aaral.
Ang mga naging tagapagsalita ay sina Bb. Reitzel Nicole Tayag, Director ng Membership Development at Pinuno para sa Pride and Mental Health sa Youth for Mental Health Coalition, Inc., at si G. Eric L. Dimar, Katuwang na Propesor ng Sikolohiya at Katuwang na Direktor ng Office of Admission, Unibersidad ng Santo Tomas. Naging payong ng diskusyon ang mga dapat tandaan sa paghahanda sa online learning at ang pangangalaga sa mental health.
“Malaking hamon ang kinahaharap ng bawat isa sa atin ngayong darating na pasukan sapagkat kung tutuusin, hindi naman talaga ganap na handa ang buong Filipinas sa ganitong klase ng pag-aaral – online, module, o blended man iyan. Maraming paghahanda para sa instruksiyonal na materyales ang naririnig natin sa balita, pero tila baga hindi nakikilala nang husto ang dulot nito sa mental health ng mga kabataan, partikular ng mga magsisipagkolehiyong “clueless” pa sa kung paano ba sila mag-aadjust sa paraan ng pagkatutong hindi nila inaasahan. Kaya narito ang SMP Interns, para punan ito. Panawagan natin, bukod sa isang inklusibong edukasyon, ay ang pagkilala na tunay ang suliranin sa mental health,” ani Hans Christian Baldecasa, isa sa mga puno ng webinar, mag-aaral ng Far Eastern University.
Libre ang webinar, bagaman ang mga nalikom na donasyon ay ibinigay sa SINAG at SALINDIWA, mga organisasyong pumupuno ng pagkukulang ng pamahalaan sa pagbibigay ng teknolohiya sa mga batang kapus-palad na papasok sa bagong normal ng edukasyon.
Ang Ad Astra per Aspera ay sa pakikiisa rin ng COPE-UP, Youth for Mental Health Coalition, Inc., Sanggunian: Commission on Mental Health, at ng National Teachers College.