VOLUNTEER TEACHER SI MAAM ALEXANDREA SA KURSONG FILIPINO
MAHIRAP ang distance learning dahil bukod sa ito ang unang pagkakataon na nasadlak ang Filipinas at ang Department of Education sa ganitong uri ng modalidad, mayroon pang dagdag-pasanin at alalahanin para sa mga mag-aaral sa araw-araw ang mga epektong mental, pisikal at sosyal ng Covid19 pandemic.
Gayunpaman, kahit na ganito ang estado ng mga Filipinong nasa krisis, marami pa ring nagnanais na magpatuloy sa pag-aaral. Kailangan lamang mag-adjust at mag-aral nang mas mabuti upang maabot ang learning competencies sa kabuuang akademikong taon.
Batid ni Teacher Alexandrea Iyo ang balakid na ito, magkagayo’y naglunsad siya ng libreng programa para sa lahat ng nag-aaral ng Filipino, Wika at Panitikan.
Araw-araw ay naglalaan si Teacher Alexandria ng oras para sa libreng isahang konsultasyon sa sinumang mag-aaral, saanman sa Filipinas, na nagnanais na mapalalim pa ang kanilang kaalaman sa kursong Filipino.
Sabi niya, Sa mga kaibigan kong mag-aaral: Alam ko ang hirap ng online classes, kung mayroon kayong katanungan, kailangan ng gabay sa asignaturang Filipino, maaari kayong magtakda ng oras para magabayan at matulungan ko kayo sa inyong mga gawain at aralin lalo na sa panitikan at wika.
Libre ito. Walang bayad. Lunes hanggang Biyernes. Magsimula tayo sa susunod na linggo.
Bukod sa pagtulong sa mga mag-aaral, layon ni Teacher Alexandrea na maisulong ang diskursong Filipino saan mang akademikong larangan at na mas mapag-ibayo pa ang paggamit dito bilang unang wika ng pakikipagtalastasan.
Bilang alumna ng Philippine Normal University, natutunan niya kung gaano kahalaga ang kaalaman tungkol sa wika at lipunan kaya nais niya rin itong ibahagi sa pinakamaraming mag-aaral na kaya niyang maturuan online.
Diin niya, “Palakasin natin ang diskurso sa wikang Filipino,” habang nagpapaanyayang samahan siya sa pagtataguyod ng wika at ng kinabukasan.
Sa sinumang nagnanais magkaroon ng libreng sesyon kasama si Teacher Alexandria, maaari ninyo siyang padalhan ng mensahe sa https://www.facebook.com/smftrsoup.