UPLB PLANONG MAGTAYO NG HIWALAY NA KOLEHIYO PARA SA ARTS AND SOCIAL SCIENCES
PINAG-UUSAPAN na ng Department of Social Sciences at Department of Humanities- University of the Philippines Los Baños, sa pamumuno ni Chancellor Jose Camacho, Jr., ang posibilidad ng pagtatayo ng bagong kolehiyo para sa agham panlipunan at humanidades sa lalong madaling panahon.
Ito ay matapos maipakita ang tuluyang paglago ng pakultad, pananaliksik, at mga mag-aaral ng BA Sociology, BA Communication Arts, at mga masteradong kursong itinuturo sa dalawang departamento.
Bagaman hindi na bago ang usapin sapagkat ilang dekada na ang nakararaan nang planuhin ang naturang paghihiwalay ng kolehiyo ay ngayon na lamang ito nabuhay — sa paghihintay sa uupong bagong dekano ng College of Arts and Sciences.
Positibo ang pananaw ni DSS Chair Athenee Pacardo-Mercado nang magpulong noong Mayo 20.
Sa sandaling makongkretisa ay magkakaroon na rin ng bahay ang nakaambang Center for Southern Luzon Studies, BS Social Science Teaching, at mga akademikong planong sahog sa araling panlipunan.
Kasama sa pulong nina Camacho at Mercado sina Prof. Rhina Boncocan, Prof. Girlie Abrigo, Prof. Zoilo Belano, Prof. MO Llangco, Prof. Augustus Añonuevo, Prof. Gilbert Macarandang, Prof. JR Jison, at Prof. Rowena De Guzman.
Patuloy ang paghahanda ng mga departamento para sa tuluyang pagtatatag ng bagong kolehiyo. Manipestasyon ang naturang hakbang sa ‘di mapipigilang pag-alpas ng akademikong husay ng UPLB sa mga disiplinang agham panlipunan at humanidades, kaalinsabay ng agrikultura, inhinyeriya, at iba pang natural na agham at teknolohiya.