Campus

UPLB NAG-DONATE NG EDIBLE LANDSCAPING KITS SA PARAÑAQUE

/ 19 June 2021

NAG-DONATE ang University of the Philippines Los Baños sa lokal na pamahalaan ng Parañaque ng mahigit 500 edible landscaping kits bilang bahagi ng kanilang pagsusulong sa food security sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Parañaque City Public Information Office  chief Mar Jimenez, umabot sa 510 edible landscaping kits ang idinonate ng UPLB sa lungsod na mismong tinanggap ni Mayor Edwin L. Olivarez.

Ang edible landscaping ay kinikilalang isang pamamaraan sa farming kung saan ina-apply ang artistry at basic landscaping principles na isinasama sa crop production.

Ang naturang pamamaraan ay nagbibigay rin ng sariling supply ng gulay sa bawat tahanan.

Ang starter kit ay naglalaman ng isang pakete ng iba’t ibang uri ng buto ng gulay, isang brochure na “how to plant” at sample designs para sa pocket garden, container garden pati na rin sa community garden na tutugma para sa urban na komunidad.

Sinabi ni UPLB Chancellor Fernando C. Sanchez, Jr., na namumuno sa edible landscaping ng nabanggit na unibersidad, na noong nakaraang taon sinimulan ang proyekto na may pangmatagalang layunin na “no Filipino should be hungry.”

Kasabay nito ay pinagkalooban din ng 20,000 sets ng starter kits ang Department of Agriculture  na personal ding tinanggap ni DA Secretary William Dar na nagsabing makatutulong ang naturang donasyon sa mga pamilya na makapagtanim ng kani-kanilang edible gardens sa kanilang bahay.