Campus

UPLB HISTORY DIVISION WEBINAR SA KASAYSAYANG PAMPOOK TAGUMPAY

/ 1 April 2021

HIGIT sa 500 mga guro at mananaliksik mula Luzon, Visayas, at Mindanao ang nagsama-sama para sa ‘Pananaliksik at Pagsusulat ng Kasaysayang Pampook: Isang Serye ng mga Webinar’ na handog ng Dibisyon ng Kasaysayan, Departamento ng Agham Panlipunan, Unibersidad ng Pilipinas Los Baños noong Marso 13, 20, at 27, via Zoom at Facebook Live.

Tinutukan sa panayaman ang 15 eksemplar na pananaliksik na nakatutok sa pananaliksik at pagsusulat ng mga kasaysayang pampook tungo sa pagbuo ng pambansang pagkakakilanlan at kasaysayan ng Filipinas.

Sinimulan ang webinar series sa paglalatag ng kahulugan at katuturan ng pagsulat na hatid ni Prop. Rhina A. Boncocan sa kanyang lekturang “Kahulugan, Saklaw, at Maikling Kasaysayan ng Kasaysayang Pampook.”

Sinundan ito ng tatlong nakatuon sa mga batis at sangguniang gamit sa pananaliksik. Nariyan ang “Archival Research: Navigating the What, Which, Where, and Why in Writing Local History” ni Prop. April Hope T. Castro, Ph.D., “Monuments as Historical Markers of Local History” ni Prop. Eugene Raymond P. Crudo, at “Pagmamapa at Pagkakatalogo ng mga Pag-aaral tungkol sa mga Epiko ng mga Filipino sa Filipinas” ni John Carlo S. Santos.

Labing-isang pananaliksik pa ang sumunod. Hinati ito sa tatlong magkakasunod na Sabado ng Marso:

Mga Lapit o Dulog sa Pananaliksik

  1. Feminist Approach in Writing Women’s History (Prop. Ma. Reina Boro-Magbanua)
  2. Hugpungan at Sangandaan: Mga Tala sa Pananaliksik at Pagtuturo ng

Kasaysayang Rehiyonal ng Bikol (Prop. Ruben Jeffrey A. Asuncion)

  1. It is in the House: Exploring Junctions of Cultural History with Home and Emotional

Geography in Laguna Houses, 1950s (Prop. Ryan Alvin  M. Pawilen)

  1. Saysay at Pook: Mga Paraan ng Pagsusuri ng Kabuluhang Pangkasaysayan at

Pangkultura ng Pook o Gamit sa Komunidad (Prop. Bernardo M. Arellano III)

Mga Pamamaraan at Hakbang sa Pananaliksik at Pagsulat

  1. Doing Historical Research Online and Other Ways to Learn History in the Time of Covid19 (Prop. Veronica C. Alporha)
  2. Paano Magsulat ng Kasaysayang Pampook: Inisyal na Gabay (Prop. Gloria E. Melencio)
  3. Isang Pagsusuri sa Kolektibong Gunita Bilang Batis Pangkasaysayan: Ang Kaso ng Labanan sa San Mateo, 1899-1901 (Prop. Herald Ian C. Guiwa)

Mga Halimbawa ng Naisulat na Kasaysayang Pampook

  1. Kasaysayang Pampook ng Bayan ng Macalelon, Quezon (Prop. Gilbert E. Macarandang, Ph.D.)
  2. Si Aguinaldo sa Lubuagan: Ethno-kasaysayan ng Isang Bayan sa Kalinga (Prop. Jeffrey James C. Ligero)
  3. Palanan, Isabela During the Filipino-American War: A Local History (Prop. Reidan M. Pawilen)
  4. Ang Mga Gawa nina Nilo Ocampo at Jaime Veneracion bilang mga Eksemplar ng Kasaysayang Pampook sa Pilipinas (Prop. Roderick C. Javar, Ph.D.)

Malaki ang pasasalamat ng mga guro sa libreng webinar dahil malaking tulong ito sa kanilang kasalukuyang pagsusulat ng kuwento ng mga bayan na kanilang kinabibilangan.

Gayundin, ang talakay sa epektibong pananaliksik sa panahon ng pandemya ang pinakamahalagang lekturang dala ng webinar sapagkat kahit na may Covid19, ang pagkatuto’y hindi kailanman dapat maantala.

Ayon kay Prop. Roderick Javar, pinuno ng komite, ang webinar series ay bahagi ng DSS Saturday School — programang ekstensiyon ng UPLB Departamento ng Agham Panlipunan para sa mga guro ng Araling Panlipunan.

Sinabi niya na batid ng pakuldad ang pangangailangan ng mga guro kaya masugid na binuo ang nasabing programa.

Inaasahan ng mga nagsipagdalo ang susunod na installment ng DSS Saturday School na ayon kay Javar ay magaganap sa mga susunod na buwan.

Samantala, nagpaanyaya ang pakuldad na tumutok sa mga gawaing ekstensiyon ng dibisyon at ng departamento, partikular sa dalawang Rizal webinars ngayong Abril.

Sundan ang updates sa https://www.facebook.com/UPLBDSS.