Campus

UP SOCIAL WORK STUDENTS WAGI SA WORLD YOUTH MEETING

/ 2 October 2020

NAKAMIT ng apat na estudyante ng University of the Philippines Diliman – College of Social Work and Community Development ang pinakamatataas na parangal sa World Youth Meeting na idinaos noong Setyembre 26-27.

Ang pananaliksik nina Jennina Romane Enriquez at Jzar Tabilin na pinamagatang ‘Pedagogy of the Oppressed and Quarantined: Reimagining Education amid Covid19 through Snapshots from Japan, Vietnam, and the Philippines’ ay kinilala at binigyan ng Gold Award. Ito ay mayroong angkla sa pilosopiyang bitbit ni Paulo Freire tungkol sa pagpapaunlad ng pamayanan.

Samantala, ang pananaliksik nina Catherine Jane Basallote at Tracey Jayne Molina na ‘Advocating Quality Education for Women’ ay nagtamo naman ng Platinum Award. Dito hinimay ang kahalagahan ng edukasyong pangkababaihan sampu ng mga hamon at tunay na kuwento ng mga babae sa loob at labas ng akademya.

Ang World Youth Meeting ay isang international youth conference na pinangangasiwaan ng Ministry of Japan simula 1999. Sa ika-21 anibersaryo nito, ang kumperensiya ay isinagawang hybrid – may mga online na kalahok na katipan ng mga dumalo face-to-face.

Ang temang inikutan ng mga pananaliksik ngayong taon ay pinaksang ‘Showing Your Flag for Quality Education (Sustainable Development Goal #4). Ang Nihon Fukushi University at Ritsumeikan University sa Japan ang dalawang isponsor ng palatuntunan.

Sina Enriquez, Tan, Basallote, at Molina ay pawang iskolar ng bayan na kumukuha ng kursong BS Community Development. Tuon ng kanilang husay ay mga maka-Filipinong dulog sa pagpapaunlad ng pamayanan, pagbibigay-kalinga sa mga nagdarahop at marhinalisado, pati pagtataguyod ng karapatang pantao at iba pang bagay na dapat natatamasa ng bawat mamamayan sa buong Filipinas.