Campus

UP PAAANGATIN PA ANG PUWESTO SA WORLD RANKINGS

/ 29 January 2021

AMINADO ang University of the Philippines na isa sa nagiging hadlang sa kanilang pag-angat sa World University Rankings ang kabiguan nilang makatugon sa criteria ng ‘internationalization’.

Ginawa ni UP Vice President for Academic Affairs Maria Cynthia Rose Bautista ang pahayag sa pagtalakay ng House Committee on Higher and Technical Education sa House Resolution 1485.

Ang resolusyon na inihain ni Rep. Rufus Rodriguez ay nagsusulong ng pagkilala sa 14 na unibersidad sa Filipinas na nakapasok sa talaan ng Asia’s Best Higher Education Institutions batay sa pinakahuling Quacquarelli Symonds World University rankings.

Pasok sa rankings ang UP na nasa ika-69 na puwesto; Ateneo de Manila University, 135th place; De La Salle University, 166th place; University of Santo Tomas, 186th; University of San Carlos, 451st to 500th; Ateneo de Davao University, Mapua University, Siliman University, pawang nasa 501st hanggang 550th; Mindanao State University-Iligan Institute of Technology, 551st to 600th; Adamson University, Central Luzon State University, Central Mindanao University, Central Philippine University at Xavier University, pawang nasa 601st plus place.

Sa virtual hearing,  sinabi ni Rodriguez na malaking karangalan ang ibinigay sa bansa ng naturang mga unibersidad subalit nalulungkot ito na ang pinakamataas na puwestong nakuha ng UP ay ika-69 kasabay ng hamon sa unibersidad na paangatin pa ang kanilang rankings.

Ipinaliwanag ni Bautista na namayagpag ang state university sa criteria ng research subalit naging dehado sa usapin ng internationalization.

Binigyang-diin ni Bautista na bigo ang unibersidad na makaakit ng international faculty dahil sa isyu ng security of tenure, gayundin ng mga international student dahil sa problema sa pasilidad.

Iginiit ni Bautista na bukod sa ilang batas, hindi pa rin bukas ang kultura ng bansa para sa international faculty.

Gayunman, nangako ang Vice President ng UP na ipagpapatuloy ang pagsisikap upang umangat pa sa World Rankings.

Agad namang inaprubahan ng komite ang resolusyon at nangako ang mga mambabatas na tutulong sa paraan ng legislation upang mapaganda pa ang serbisyo ng mga unibersidad.