Campus

UP NAGKAKAUBUSAN NA NG CLASS SLOTS

/ 13 September 2020

TILA hindi talaga batid ng administrasyon ng Sistemang Unibersidad ng Pilipinas ang mga suliraning kinahaharap ng mga iskolar ng bayan at ng mga miyembro ng pakuldad sa panahon ng pandemya dahil  ngayon ay nahaharap na naman ang UP sa isang suliranin – ang nagkakaubusang class slots sa general elective at service courses.

Biyernes, Setyembre 11, ipinaskil ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa UP Diliman na hindi na sila maaari pang tumanggap ng mga nais mag-enroll sa Filipino 40 (Wika, Kultura, Lipunan) at Philippine Institutions 100 (Life and Works of Rizal).

Ayon sa kanila,  hindi na makapagbubukas pa ng mga bagong klase dahil kulang ang items ng mga instruktor at lecturer. Ito ay sa kabila ng katotohanang daan-daan pang mag-aaral ang birtuwal na nakapila para kunin ang nasabing mga kurso.

“Wala na po talagang PI 100 at Filipino 40. Umaasa na lamang tayo sa mga paisa-isang nagka-cancel. Wala pa rin tayong teachers prerogative. Paumanhin sa mga mga naantalang tugon at sa mga hindi na masagot sa e-mail para sa pagpila sa dalawang kursong ito,” paumanhin ng DFPP.

Binigyang-diin din nila na mas magiging maalwan sana ang pagbubukas ng bagong akademikong taon kung mas maraming panahon pa ang nariyan para sa paghahanda.

“Tunay na mas ideyal ang sitwasyon kung mas maraming items at mas maraming panahon ang lahat para makapaghanda sa pagbubukas ng klase,” pahayag ng DFPP sa isang Facebook post.

Hindi na bago ang suliraning ubusan ng class slots sa UP. Taon-taon na lamang ay nagkukumahog ang unibersidad sapagkat pumipila at umaasa sa teacher’s prerogative ang libo-libong mag-aaral na nais makapag-enroll sa mga kinakailangang kurso.

Ang problema’y mas pinalala pa ng pandemya dahil bukod sa binawasan ang class slots mula 25 hanggang 20, para mapanatili ang kalidad ng edukasyon sa online setting, ay mabagal pa ang usad ng mga dokumento ngayong hindi makapagkita nang personal ang mga estudyante at mga guro.

Pinanawagan ng mga iskolar ng bayan at ng mga miyembro ng pakuldad ang pagsuspinde ng unang araw ng pasukan para mas mapaghandaan ang mga ganitong pangyayari subalit ilang araw bago ang Setyembre 10 ay nagbaba ng mensahe ang Lupon ng mga Rehente na anuman ang magyari’y tuloy na tuloy ang pasukan sa Sistemang UP.

Dismaya at pagkabalisa ang bumabalot sa mga unang araw ng pasukan sa unibersidad. Sa likod nito, paalala ng DFPP, “hindi mga guro, kawani at mag-aaral ang magkalaban sa sitwasyong ito.”