Campus

UP MANILA NAGHAHANDA NA SA F2F CLASSES SA SUSUNOD NA SEMESTRE

/ 12 January 2021

INIULAT kahapon ng Tinig ng Plaridel, pahayagang mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman-Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon, na nagbabalak na mag-face-to-face classes sa susunod na semestre ang apat na kolehiyo ng UP Manila.

“Four colleges from UP Manila have plans to hold face-to-face classes next semester,” sabi ng Tinig ng Plaridel.

Mula ito sa ulat ng UP Manila University Student Council sa kasalukuyang pagsasagawa ng 50th General Assembly of Student Councils.

Ang College of Medicine, College of Pharmacy, College of Dentistry, at College of Nursing ang apat na kolehiyong naghahandang magbukas sa susunod na semestre.

Naghihintay na lamang ng aprubal ang unibersidad mula sa Inter-Agency Task Force bago mapinalisa ang kongkretong polisiya sa naturang mga kolehiyo.

Noong Disyembre ay iniulat ng The POST ang paghahanda ng Commission on Higher Education sa posibleng pagpapatupad ng limitadong face-to-face classes sa mga piling unibersidad sa Filipinas kahit na hindi pa rin nagwawakas ang Covid19.

Ayon kay CHED Chair Prospero De Vera III, papayagan nila  ang mga kursong tunay na nangangailangan ng hands-on practice gaya ng medical courses, Physical Therapy, Nursing, at iba pa.

“Baka iyon muna kasi hindi ka magiging magaling na doktor o nurse kung hindi ka talaga pupunta sa ospital,” sabi ni De Vera.

Ang mga paaralang nagnanais magsagawa ng tradisyonal na klase’y dapat magsumite ng karampatang proposal at paliwanag upang ito’y maaprubahan. Masusi ring idadarang sa inspeksyon ang mga klasrum at laboratoryong gagamitin bago ang planong pagbabalik- eskwela.