Campus

UP DILIMAN WALANG PIGIL ANG PAG-UMPISA NG KLASE SA SETYEMBRE 10

/ 26 August 2020

NAGLABAS na ng updated academic calendar ang Unibersidad ng Pilipinas Diliman at nakasaad dito na matutuloy ang pagbubukas ng klase sa Setyembre 10.

Ito ay sa kabila ng sunod-sunod na panawagan ng mga iskolar ng bayan na ipagpaliban muna ang pagbubukas ng  akademikong taon sa susunod na buwan.

Sa bagong kalendaryo ay nakasaad na ang huling araw ng klase sa unang semestre ay sa Disyembre 11-18.

Tatlong buwan lamang ang semestreng ito, mas maikli ng dalawang  buwan sa regular na panahon.

Kapansin-pansin ding walang nakasulat na iskedyul ng taunang Lantern Parade, gayundin ay wala pang pinal na petsa at anumang mahahalagang pabatid tungkol sa UP College Admission Test.

Samantala, naglabas ng memorandum ang Office of the Vice President for Academic Affairs sa ngalan ni Prop. Maria Cynthia Rose Banzon Bautista. Nakasaad dito na suspendido ang change of matriculation, dropping, at pagpa-file ng leave of absence sa unang semestre ng akademikong taon 2020-2021. Hindi rin ito ibibilang sa maximum residency requirement ng mga iskolar ng bayan bilang konsiderasyon sa unang beses na pagsasagawa ng fully-remote learning.

Dagdag pa, ibinaba sa 12 units, mula sa 18 ang regular course load. Ibig sabihin, apat na sabjek lamang ay maikaklasipika na ang mag-aaral na regular enrollee.

Ilan ito sa mga ‘adjustment’ na isinasagawa ng UP ngayong panahon ng pandemya.

Wala namang napaulat na problema sa Computerized Registration System, ang ginagamit na software ng UP Diliman pagdating sa enlistment at enrollment; taliwas sa nangyayari sa ibang satellite campus na halos hindi magamit ang Student Academic Information System.